chapter 6,

TRESE: Chapter 6 - Nobyembre

9/24/2012 08:00:00 PM Media Center 4 Comments


Ang Trese ay isang serye ng iba't ibang magkakaugnay na kuwento na binuo, sinulat at pinaghirapan ng Media Center 2013 staff bilang kanilang creative writing project.

Ang mga tauhan at mga pangyayari ay pawang kathang isip lamang. Hindi hango sa tunay na buhay o karanasan. Ang anumang pagkakahawig sa tunay na buhay ay nagkataon lamang at hindi sinasadya. Walang bahagi ng kuwentong ito ang maaring ilathala at gamitin sa anumang paraan nang walang pahintulot ng may-akda.







MARTES


[Adrian]

Kakatapos lang ng sembreak, pasok na naman. Wala pang dalawang oras, gusto ko nang umuwi. Nakakatamad na dito sa school!

“Adriaaaan!” tawag sa akin ni Ezra. “Bakit ka nakasimangot diyan? Dahil kay Jenna ba?”

Kinalimutan ko na nga, pinaalala pa nito. Si Jenna yung “ex” girlfriend ko. Dahil higher batch siya, nakipag-break siya sa akin bago siya grumaduate. Muntikan na kaming umabot sa 3rd anniversary namin pero wala. Aalis na siya eh. Ang masaklap pa, araw pa ng anniversary namin siya nakipag-break.

Hindi ko na iniisip si Jenna ngayon, pinipilit ko na lang kalimutan siya.

“Oh ‘dre. Tumahimik ka dyan bigla ah. Si Jenna talaga ‘yan ano?” sabi ni Ezra.

“Basta,” sagot ko.

Papunta na ako sa klase pero itong si Ezra, sunod pa rin ng sunod.

“Tama nga ako!!! Akala mo ‘di kita mahuhuli ah. Pero, huwag ka nang malungkot dahil nandito ako. Laging kasama mo,” sabi niya.

“Ang bakla mo!” pilit kong patawa. Pero sa totoo lang, hindi ako natatawa, natatakot ako.

“Oo... Para sa’yo!” sabi ni Ezra, sabay kindat.

----

[Karil]

“OMG! Karil! Si Ezra at Adrian magkasama! KA-KILIG!” sabi ni Abi.

Grabe ‘tong kaibigan kong ‘to... Parang kahapon lang nandidiri siya sa mga bakla. Ngayon, todo suporta na siya sa “EzRian”.

“Hay nako. Una, magkaklase tayong lahat kaya talagang magkakasama sila. Pangalawa, mga pantasya mo na naman teh. ‘Di ka pa ba nagsasawa na araw-araw mo silang nakikita? Pangatlo, kala ko ba homophobic ka? Tapos kilig ka naman nung makita mo si Adrian at Ezra na magkasama,” sermon ko.

“But... but... They’re so damn fine. May special exception ang mga hot na tao sa mundo! Sayang at hindi sila ang pair sa rampa. Game na sana ako dun eh,” sabi ni Abi.

Napailing na lang ako. “Anak ng tokneneng. Pumasok na nga tayo! Nandyan na si Ma’am Amanda.”

Pagpasok namin sa kwarto, diretso agad kami sa upuan namin.

“Good morning, Balete!” sabi ni Ma’am Amanda.

“Good MORning Ma’am AmanDA~” sabay-sabay naming bati.

Nakakaantok ang lesson at halos ‘di na ako nakikinig. Parang zombie na lang ah. Kumokopya ng notes pero walang pumapasok sa utak ko.

Lumingon ako sa katabi ko at nakita ko si Adrian na nagnonotes rin habang halos magkadikit na sila ni Ezra na nasa kanan niya.

Bigla na lang may pumipitik sa mukha ko. “Miss Santos, mukhang kanina ka pa nakatitig kay Mr. Valencia ah. Baka gusto mong tumingin muna sa harap at sagutan ang problem sa board?” panunukso ni Ma’am Amanda.

Ganun ba ako katagal na nakatitig? Parang napalingon lang ako, napansin na agad ni Ma’am Amanda.

“Yieee, Karil ah. Adrian ka pala!” asar ng isa.

Patay tayo dyan, ako na naman ang nakita nila. Napaikot yung tingin ko sa buong klase, lahat sila tumatawa, pati si Adrian.

“Umm... Sorry po ma’am,” sabi ko na lang.

“Well, next time sana magfocus muna tayo sa klase bago sa mga gwapong lalaki,” sabi ni Ma’am.

“Ma’am, baka gusto niyo akong ilipat ng upuan. Baka hindi matapos yung araw, in love na sa akin yan si Karil!” pang-aasar sa akin ni Adrian, sabay kindat.

Lalo pang nagtawanan ang klase. Loko ‘tong Adrian na ‘to ah!

Nakita ko si Ezra, ang talas ng tingin sa akin. Kainis ha. Bakit ba ako? Nananahimik ako eh. Napayuko na lang ako at nagsulat na lang.


[Adrian]

Sus, halata namang kinikilig si Karil eh.

“Ikaw Adrian, Karil ka pala,” simangot ni Ezra. “Hmpf. Kumopya ka na nga lang ng notes!”

Medyo nilayuan ako ni Ezra at tumingin na lang sa board. Buti na lang tinigilan na ako nito. Nakakagulo na rin kasi ‘to eh!


MIYERKULES


[Karil]

“HOY! Mga English Club members diyan. May emergency meeting tayo para sa Literally Literary Halloween Party mamayang lunch sa tapat ng English Dept. Paki-spread na lang ang news. Salamat!” announce ko sa kwarto namin.

“Uy Karil, tignan mo si Adrian at Ezra dun sa gilid oh. Magkasama na naman sila,” pang-iintriga ni Abi. “Pero alam mo, mukha ngang nakatingin sa’yo si Adrian eh,” sabi ni Abi.

“Ewan ko sayo, Abi. Pupunta na ko ng meeting,” sabi ko.

“Sabay na kayo ni Adrian, dali! Di ba English Club rin yan?” nakangising sabi niya.

“Sila na lang ni Ezra magsabay! Bye na.”

Dumiretso agad ako sa English Dept. Buti na lang kakasimula lang nila nang dumating ako.

----


[Adrian]

“Any updates on the preparations for the upcoming Halloween Party? Financial reports, Clara?” narinig kong tinatanong ni Ma’am Jane pagpasok namin ni Ezra.

“Inaayos ko na po, Ma’am,” sagot ni Clara.

“Okay… What about…” natigilan si Ma’am nang mapansin kami.

“Good afternoon, Ma’am. Sorry we’re late,” sabi ko na lang.

“It’s alright. Take your seats,” sabi niya sa amin. “Karil, what about decorations?”

“Almost done, Ma’am. We just need materials po and people to help mount the decorations when they're finished,” report ni Karil.

“O sige. Adrian, since you’re late, I am assigning you to help Karil with the decorations for the party,” sabi ni Ma’am sa akin.

Buwisit naman, ako pa tuloy napili! Ito naman kasing si Ezra, kulit nang kulit sa akin, tuloy! Late ako!

“Ayiieeeeeeeeeeee!” pang-aasar nila sa amin. Bahala na nga.

“Ma’am,” sabat ni Ezra, “can Adrian and I, like, do something else for the party na lang?”

“No, that’s your assignment,” sagot ni Ma’am Jane.

“Sige, sige okay na po yan,” sabi ko. Inabot ko kay Karil ang kamay ko, sabay sabing, “A pleasure to work with you MISS Karil!” Pero tinanggihan niya.

“Kung makikipaglandian ka lang kay Ezra sa trabaho natin, wag ka na lang tumulong,” mataray niyang sinabi.

Natawa naman ako sa sinabi niya. Si Ezra? Nakikipaglandian sa akin? Hindi kaya.

“Tingnan mo ‘to!” sagot ko. “Nakikipag-friends lang ako sa’yo eh. Wag ka na magalit!”

Lalo pang lumakas yung asaran. Haha! Namumula yung mukha ni Karil at halatang nagpipigil ng ngiti.

Napangiti rin si Ma'am Jane pero sinabi niyang, "That's enough, guys. Try to work together ha."


[Karil]

Sa lahat ng pwedeng gawing kasama kong leader sa decorations, kailangan si Adrian pa? Eh tamad nga yun eh! Nakakainis.

“Fine, friends kung friends. Pero kalimutan mo nang magkaibigan tayo kapag hindi ka umayos,” sabi ko.

“Sus, baka pagkatapos nito, hindi na lang tayo magkaibigan,” bulong niya sa akin. Tinapakan ko yung paa niya, sabay irap.

“Che,” pagmamataray ko. “Dun ka na nga kay Ezra. Hoy, bukas ah, last minute preparations na kaya sumipot ka!”


HUWEBES


[Adrian]

Pupunta pa lang sana ako kina Aling Norms para bumili ng siomai pero may bigla na lang sumigaw, “ADRIAAAAAAAAN!”

Paglingon ko, si Karil pala.

“Oo ikaw! Hoy! Hindi ba tutulungan mo ako sa pag-aayos ng decorations?! Antagal kong nag-antay sa meeting room ah!”

“Sorry, miss. Nakalimutan ko,” sabi kong nakangiti.

“Lika na, bilis! Club time na oh!” sabi ni Karil sabay hila sa kanang braso ko. Sasama na ako kay Karil nang biglang may humila naman sa kabilang kamay ko.

“Excuse meeeee!” sabi ni Ezra, habang hinihila ang kaliwang kamay ko. “Stop in the name of love! Pwedeng pa-explain kung bakit si Adrian ang hinahanap-hanap mo? Marami namang nagvolunteer sa committee mo ah.”


[Karil]

Eh pake ba nito kung gusto kong isama si Adrian? Siya yung nautusan ni Ma’am eh!

“Hoy Ezra, for your information, si Ma’am ang nag-utos sa ‘kin na hanapin si Adrian,” paliwanag ko. “Kaya kung ako sa’yo, layuan mo muna siya dahil may aayusin pa kami,” mataray kong sagot.

Aba, magpapatalo ba ako kay Ezra?!

“Charotera!” naiinis na sabi niya sa akin, sabay irap. “Tignan mo nga oh, hindi pa kumakain si Adrian oh. Kawawa naman!”

Napabuntong-hininga ako. “Kailangan na ngang matapos ‘to,” mahinahon kong paliwanag.

Inirapan ulit ako ni Ezra. “Please lang! Kapag hindi kasya, hindi na dapat sumisiksik pa. Wag mo nang ipagpilitan sarili mo sa kanya!”

Eh? ANO RAW?

“Hoy hoy hoy Ezra!” dinuduro ko na siya sa sobrang inis. “Anong iniimply mo? Na crush ko tong Adrian na to? I don’t do romance. Ang gusto ko lang, maging perfect yung event bukas.” 

Binitawan ko na si Adrian. “Isa pa, hindi ko ipinagpipilitan yung sarili ko, okay? Bahala siya kung ayaw niya pumunta.”


[Adrian]

Ano ba naman ‘tong dalawang ‘to? Mag-aaway na nga lang, dito pa sa corridor. Parang walang tao dito. Parang wala ako sa gitna nila!

“Kayong dalawa,” binatukan ko sila nang mahina. “Tumigil na kayo. Ezra, dun ka na. Mag-aayos na kami ni Karil.”

Sumama ako kay Karil sa may Multi at tumulong sa mga ginagawa nila dun.

“Salamat pala Karil ah,” sabi ko.

“Saan naman?” sagot niya.

“Ayaw kasi akong tigilan nung si Ezra eh. Simula pa lang ng klase, ganun na siya.”

“Wala yun. Mag-ayos ka na lang diyan,” iginala niya ang tingin niya sa Multi. “Ayun, tumulong ka kay Dong dun sa pagkakabit ng lettering,” sabi niya.


[Karil]

Buti na lang sumama na si Adrian. Andami pa naming kailangang gawin sa Multi.

“Oi Dong! Kung ayusin mo kaya yung ginagawa mo!” Hay nako. Si Dong talaga. Laging nakatulala ngayon. Bakit kaya?

“Hoy Eric! Mamaya na nga kayo mag-usap ni Dina! Tumulong ka nga muna dito sa loob!” narinig kong sabi ni Clara.

Mga tao talaga. Bukas na ‘tong event pero hindi pa rin ayos ang lahat. Dapat maayos ang kalalabasan nito. Hindi lang pala maayos... dapat perpekto! Perpektong-perpekto!

“O, ba’t andito pa yung mga lanterns? Dapat nakasabit na ‘to ah,” sabi ko.

“Wala pang magkakabit eh. Di ko abot. Tas kadarating lang ni Adrian,” sabi ni Abi.

Hay ewan! Di ko naman siya masisi. Nag-volunteer lang naman siyang tumulong kahit di siya taga-English Club. Nanghiram ako ng hagdan at nagmamadaling nagkabit ng lanterns sa may stage.

“Kaasar naman si Adrian, siya dapat gumagawa nito --” bulong ko habang nagsasabit ng lanterns nang bigla akong nadulas sa hagdan. Buti na lang nakahawak agad ako kaya hindi ako nahulog.

“Uy Karil! Dahan-dahan!” sabi ni Adrian na nasa likod ko na pala.

“O, anong ginagawa mo diyan? Akala mo mahuhulog ako? Sorry pero hindi sa’yo,” mataray kong sabi.

“Haha. Sayang ‘di ka nahulog. Ready pa naman akong saluhin ka,” sagot niya ng nakangiti.

“Ayyyyyyiiiiee. Nagmo-moment na naman kayo diyan!” pang-asar ni Abi habang nakangiti.


[Adrian]

Ito namang si Abi, ang lakas maka-asar.

“Humanda ka sa’kin mamaya, Abi,” banta ni Karil, sabay nagdabog paalis.

Ang tindi nitong babaeng ‘to. Parang hindi babae ah. Lahat na lang, inaaway, pati yung kaibigan niya.

“Uy Abi, bakit ang taray ng kaibigan mo?” tanong ko.

“Ay hayaan mo yan, stressed lagi yan eh. Normal na rin sa kanya yang ganyan,” natatawa niyang sabi.


BIYERNES

-- Literally Literary Halloween Party --


[Karil]

Isa lang naman ang gusto kong mangyari: maging maayos ang event na ‘to. At sa itsura ng Multi, masasabi kong close to perfection na.

Nagmukhang creepy yung Multi. May mga skeleton pang nakasabit sa pader. May kabaong sa stage. Astig nung fog machine. Ayos ‘to. At mag-aalasais na rin ng gabi, sino ba namang hindi matatakot sa lagay na ‘to?

“Karil. Ganda mo ngayon ah. Bagay sa’yo yang costume mo. Para kang pupunta sa Masquerade party! Haha!” bati sa akin ni Adrian.

Magbibigay na nga lang ng compliment, dadagdagan pa ng pang-aasar sa dulo.

“Ano ka naman? Baklang naka-kapa’t may pangil? Edward Cullen ba ang peg?” sagot ko naman.

“Grabe naman ‘to. Di maka-gets ng joke… Ang ganda mo kasi eh. Pwede na kitang Bella Swan,” sabi niya, sabay smile.

“Nakakatawa ka talaga! Anong kailangan mo? Isa pang baso ng juice?”

“’To naman! Ganyan ka ba pag sinasabihang maganda ka?” pa-cute niyang sabi.

Umirap na lang ako. Ayoko sa lahat yung binobola ako eh. At halata namang may kailangan ‘to sakin.


[Adrian]

Ang taray naman nitong si Karil kahit kailan. Pinupuri na nga, ayaw pa.

“In fairness, ang ganda ng Multi…” pag-iiba niya ng topic. “Salamat pala sa tulong, Adrian,” ngiti niya sa akin.

Pwede naman palang ngumiti ‘to eh. Di na masamang kasama kapag ganito siya.

“Syempre. Kasing-ganda mo nga eh!” pabiro kong sabi.

Nagtawanan lang kami. Ayan! Marunong rin palang tumawa. Bakit kasi lagi siyang nagtataray eh. Puwede naman palang bawas-bawasan para mas nakakatuwang kasama.

“May favor pala ako sa’yo…” intro ko.

“Ha! I knew it!” sabi niya.

“Sige na. Simple lang. Kayang-kaya mo!” pangungumbinsi ko.

“Ano? At anong mapapala ko diyan?” sagot ni Karil.

“Pwedeng samahan mo muna ako ngayon? Kahit ngayon lang?” nahihiya kong sabi. “Kasi lapit ng lapit si Ezra sakin eh. Siguro lalayo naman siya kapag nakita niyang kasama kita.”

Natawa siya ng malakas. “Hahaha! Mukha ngang type ka nun eh!”

Napasimangot ako sa sinabi niya. “Ano? Sige na. Pumayag ka na!”

“Fine, basta pahiram ng notes mo para sa Physics, Math at Econ,” sagot naman niya.

“Yun lang pala eh.”

“Nandyan pala kayo,” sabat ni Ezra. “Congrats Karil, ang ganda ng ginawa niyo ha. Siguro masyado kang nag-enjoy mag-ayos kasama si Adrian?” maarte niyang sinabi.

“Ako na naman nakita mo, Ezra! Teka lang Adrian, sorry, tinatawag ako ni Ma’am dun,” paalam ni Karil.

Nag-uusap pa kami ni Karil, nang sumingit na naman ‘tong si Ezra. At akala ko ba pumayag na si Karil na samahan ako ngayon hangang matapos yung party?

“Ano na naman ba, Ezra?” naiinis kong tanong.

“Wala lang. Masamang lapitan ka?” sagot niya.

“Minsan kasi naiistorbo din ako eh. Hindi naman pwedeng lagi kang sunod nang sunod sa akin, bro.” Totoo naman eh, lagi na lang nakabuntot ‘to sa 'kin.

“Eh bakit ba?” pagmamatigas ni Ezra.

“Hahanapin ko lang si Karil, may sasabihin lang ako. Diyan ka na lang,” sabi ko. Ang kulit talaga nito kahit kailan.

----

Hinanap ko si Karil sa Multi pero sa dami ng mga witches, wizards at iba pang mga naka-costume, hindi ko siya makita.

“Abi! Nakita mo ba si Karil?”

“Ha? Nasa New Building ata, may hinahanap siya kanina eh.”


[Ezra]

Hay nako ha! Sila nag-aayos tapos biglang nawawala. Hmpf.

Wag lang magkakamali si Adrian na tuluyan akong ipagpalit sa bruhang yun. Bwiset. Akala mo kung sinong maganda kung maglalapit kay Adrian. Kainis!

Pero para sure, ipapakulam ko na ang Karil na yan! Para walang sagabal. Game! Dapat makakuha na ng 1x1 pic niya para maidikit sa voodoo doll kong always effective! Hahaha!

----


[Karil]

Hindi ko alam kung saan ko hahanapin yung maskara ko. Wala sa CR, wala sa bag ko! Maiikot ko na ata yung buong school, hindi ko pa rin mahanap ‘yun. Ayaw pa akong samahan ni Abi dun sa room namin sa New bldg. Nakakainis!

Umakyat ako sa 2nd floor dahil nandun yung homeroom namin. Buti na lang bukas pa yung ilaw kaya hindi naman masyadong nakakatakot.

Pagdating ko sa homeroom, nakita ko na rin sa wakas yung maskara ko. Nandun lang pala sa upuan ko. Dumaan muna ako ng CR para mag-ayos bago bumalik sa Multi.

“Ate, ate…” narinig ko mula sa isang cubicle. Wala naman na atang tao dito ah? Oh well, baka bata lang na pumunta sa party.

“Ate,ate…” sabi ng malamig na tinig na iyon. Hala! Pangalawa na yun ah.

“May tao ba dyan?” mahina kong tanong nang biglang sumara yung pinto. “BLAAAAAAG!”


[Adrian]

Nasaan ba si Karil? Kanina pa ako hanap ng hanap dito sa New Building, di ko pa rin siya makita.

“AHHHHHHHHHHHHHHHHHHHHHHHHHHHHHHH!!!!!!!!!!! TULOOONG!”

Boses ba ni Karil yun? Nanggaling sa 2nd floor! Agad-agad akong umakyat at nagsisigaw,
“Karil, nasan ka? Karil!”

“Adrian! Adrian! Tulungan mo ako,” sigaw niya.

Galing sa Girls’ CR yung boses niya. Nagmadali ako. Padala-dalawa na ang hakbang ko sa hagdan. Nang makarating ako sa Girls’ CR, sinipa ko yung saradong pintuan at naabutan kong paiyak na si Karil sa loob.

“Karil!” Dinala ko siya sa labas at tinanong, “Ano bang nangyari?”

“Kasi… Nag-aayos lang ako tapos biglang sumara yung pinto. Tapos… Tapos…”

“Tama na… Sige na, baba na tayo,” alok ko, habang hinahagod ang likod niya.


[Karil]

Buti na lang narinig ako ni Adrian nang sumigaw ako.

“Hoy, salamat ha?” sabi ko sa kanya nang may pilit na ngiti.

“Aba, bumalik na naman yang pagkataray mo. Tinulungan ka na nga eh,” nang-aasar niyang sinabi.

“Kaya nga nagpapasalamat di ba?” Pero totoo naman. Kung hindi dahil sa kanya, hindi rin ako makakalabas dun.

“Patay,” biglang sabi niya.

“Bakit?” tanong ko.

Hindi na niya ako sinagot dahil nakita ko na rin. Sarado na yung gate palabas ng New Building. SARADO NA YUNG GATE PALABAS NG NEW BUILDING!!! Iisa lang ang ibig-sabihin nito. “KUYA GUAAAAAAAAAAAAAAAARD!!!!!!!!!” sigaw ko.

“Wag ka nang sumigaw. Hindi ka maririnig nun,” kalmado niyang sinabi.

Aba! Wala man lang effort sumigaw at humingi ng tulong. Eh kung ilabas niya kaya yung cellphone niya at magtext.

“Wala akong load,” sabi niya, sabay upo sa hagdan. Mind reader?!?!

Gusto ko nang umalis dito! Hindi pa nga tapos yung party eh!


[Adrian]

Ayoko naman talagang ma-lock dito sa New Building. Pero kung siya yung kasama ko... ayos lang. Pwede na rin.

“Mapapagod ka lang sa kakasigaw, umupo ka na lang dito,” sabay turo sa gilid ko.

Umupo siya sa tabi ko at nagmukmok. Hindi naman namin kasalanan na nandito kaming dalawa ngayon.

“Hindi mo nga tinupad yung promise mo na sasamahan mo ako eh,” sumbat ko.

“Ayan! Magkasama na tayo, ano pa ba gusto mo?” sabi niyang nagdadabog pa. “Hay nako. Magdamag ba akong tatambay rito?” reklamo niya.

Napatingin na lang ako sa mga mata niya at napangiti.

“Okay lang. Magdamag rin naman akong tatambay dito eh.” 

You Might Also Like

4 comments:

  1. bet ko 'to! hindi cheesy tulad nung mga nauna. normal lang, makatotohanan? :bd

    ReplyDelete
  2. HAHAHA. Alam naaaaa. :))

    ReplyDelete
  3. ...nakakakilig *bow*

    ReplyDelete