chapter 3,

TRESE: Chapter 3 - Agosto

9/07/2012 08:20:00 PM Media Center 3 Comments

Ang Trese ay isang serye ng iba't ibang magkakaugnay na kuwento na binuo, sinulat at pinaghirapan ng Media Center 2013 staff bilang kanilang creative writing project.

Ang mga tauhan at mga pangyayari ay pawang kathang isip lamang. Hindi hango sa tunay na buhay o karanasan. Ang anumang pagkakahawig sa tunay na buhay ay nagkataon lamang at hindi sinasadya. Walang bahagi ng kuwentong ito ang maaring ilathala at gamitin sa anumang paraan nang walang pahintulot ng may-akda.





Martes


[Martin]

Yes! Panalo kami. Sikat na naman pagbalik sa school. Hahaha! Kaso nakakatamad talaga pumasok sa klase... buti na lang nandun si Mae. Hayyy…sarap mabuhay!

“Oy brad, congrats!” bati ni Marco nang makasalubong ko siya sa corridor papunta sa klase.

“Thanks bro!” Bida talaga kami kapag ganito. Yeah!

“Good morning and congratulations sa yo at sa buong team, Mr. Marquez!” sabi ni Ma’am Amanda.

Nag-ingay yung buong klase.

“Thank you Ma’am! ‘Wag na po tayong magklase, panalo naman kami. Hahaha!”

“Oo nga Ma’am!” dagdag nung iba.

“Tsk tsk. Ikaw talagang bata ka. Umupo ka na nga.”

BADTRIP! May nauna na sa ’kin sa tabi ni Mae. ‘Yung nerd pa na si Aya ang makakatabi ko. Nakakaantok ‘to. Algeb pa man din. Bwiset.

Pero di bale. Siguradong kumpleto ‘to ng notes. Puwede nang mahiraman.

“Hoy, Aya!” sabay kalabit ko sa kanya.


[Aya]

Naiinis akong lumingon. “O bakit, Martin?” sabi ko.

Sa lahat ng pwedeng makatabi... siya pa. Ang gulo niya tapos di pa nakikinig, baka maistorbo lang ako. Kailangan ko pa naman mag-aral nang mabuti para mataas ang score ko sa next quiz. Hindi ko gusto ang score ko dun sa huli naming test. Kailangan ko mag-focus!

Ngumiti siya at maangas na sinabing, “Pahiram na lang ng notes mo. Katamad makinig eh. Hehe. Okay lang?”

Ano ba ‘yan... ang tamad talaga! Wala nang inatupag kundi maglaro nang maglaro. Bakit pa sila pumapasok sa school eh hindi naman sila nag-aaral? Sayang lang. Puwede naman kasi silang mag-excel sa acads at sports at the same time ah.

“Bakit kita kailangang pahiramin? Hindi ka ba nagnonotes?” medyo mataray kong sinabi.

Natawa ako nang parang nainis siya. Kaya sabi ko, “Joke lang. Eto na, o.” Masuwerte siya dahil maasahan ako sa notes.

“Yun oh. Thanks!” sabi ni Martin.

Ugh. Kainis talaga. Insensitive.


[Martin]

Saya ng Math. Sarap matulog.

Ahhhh, Ayun! Ganda talaga ni Mae kahit kailan. She completes my day. Kaso mukhang pinopormahan din siya ni Jolo ah. Kailangan ko nang duma-moves! ‘Di ako puwedeng maunahan neto.

Mukhang magdidismiss na si Ma’am nang sumingit si Sharon. “Ma’am wait lang. May announcement po!”

“’Yan ba ‘yung tungkol sa Rampa?”

“Opo Ma’am,” sabi ni Ms. President. “Oy classmates attend kayo ng special homeroom bukas ng lunch. Magbobotohan tayo ng representative. Sa Thursday na yung Rampa wala pa tayong contestant.”

Yessss! Ako na ‘yan! Gwapo ko talaga eh. Sana si Mae ang partner ko.

“Okay. Bukas na lang. Don’t forget to bring your sci-cals. Goodbye, class,” sabi ni Ma’am Amanda.

“Goodbye and thank you, Ma’am Amanda!”

Ano kaya kung yayain ko si Mae sa victory party? Sana pumayag siya tapos magtagal ‘yung party para wala nang next class.


[Aya]

“Aya, tara, punta tayo sa victory party nila sa Multi!” nagyaya naman bigla ‘tong si Clara.

“Ah, marami pa akong gagawin. Mag-rereview pa ako para sa quiz natin sa Econ mamaya,” sagot ko.

“Seryoso ka ba? Hay naku. Perfect ka na naman sa test natin for sure. Sige na nga. Byeee!”

Ano naman kasing mapapala ko dun? Makakadagdag lang ‘yan sa kayabangan nila. Hay naku! Hindi ko na sila dapat pang isipin. Focus Aya, focus!


Miyerkules, araw bago ng Rampa


[Martin]

“Guys, sino nang gusto niyong representative natin sa Rampa?” sabi ni Sharon.

“Ako na, ako na!” sabi ko.

“Oo nga si Martin na lang,” sabi ni Vincent.

Tama ‘yan guys.

“Pero gusto ko si Mae partner ko!” sabi kong nakangiti, sabay kindat kay Mae.

“Bakit ako?” sabi ni Mae. “Ayokong partner ‘yan noh! Tsaka wala akong isusuot.”

Tinanggihan niya ko? “Sige na, Mae. Para ‘to sa klase, o. Wala pa tayong panalo,” sabi ko.

“Andiyan naman si Clara,” sabi ni Mae. “Si Sophia, si Aya...”

“Ayoko nga!” sabi ni Clara. “Si Aya na lang! Ayaaaaaaa!”


[Aya]

Ako na naman ang inasar ng mga kaklase ko. Ako na naman ang nakita nila.

“Ha? Si Mae dapat siyempre...” sabi ko.

“Ikaw na lang!” biglang sabi ni Clara.

“Hindi puwede, sila na lang ni Mae kasi!” pilit ko.

Mukhang tama lang naman na si Mae ang sinabi ko. Gusto talaga siya ni Martin. Ang malas naman niya. Hehehe.


[Martin]

Talino talaga neto, buti alam niyang si Mae gusto ko makasama.

“Oo nga, Martin-Mae na! Wag na kasi kami,” sabi ni Clara kay Sharon.

“Paano ba ‘yan? Martin-Mae na tayo Ipil-Ipil?” tanong ni Sharon.

“Payag ka na Mae. Pwede kitang pahiramin ng damit,” sabi ni Sophia.

“Hay. Sige na nga,” sabi ni Mae.

“Wooohh! Yess! Seryoso, di kayo nagkamali sa pagpili. Tara, practice na tayo!” sabi ko sa kanya.

“Weh, palitan ka namin diyan. Manahimik ka nga. Ingay mo, yabang mo pa!” Weh loko talaga ‘tong si Vincent.

“Sino pa bang ibang pipiliin niyo kung hindi ako?”

Makakascore na ‘ko kay Mae. This is the life! Tinabihan ko siya at sinabing, “Mae, galingan natin bukas. Alam ko namang mananalo tayo eh. Hahaha!”

“Oo sige na, Martin. Pero ‘wag ka kayang masyadong kampante. Ibaba naman nang kaunti ang self-confidence, okay?” sabi ni Mae.

“Eh kasi sa ganda mong ‘yan kung anu-ano na ang nasasabi ko eh!”

“Asus, tigilan mo nga ako,” sagot niya, sabay irap. Cute talaga.


Huwebes: Araw ng Rampa


[Martin]

Yessssssssssssssssssss! Today is the day! Ayos talaga! Ready na ako!

“Martin! Si Mae... may sakit!”

Papaniwalaan ko ba ‘tong si Sophia? Paano kung trip lang ‘to? Kapag nalaman ko kung sino nag-utos diyan babatukan ko talaga.

“Weh?! Oy, huwag niyo akong pagtripan. Handang-handa na kong manalo eh!” sabi kong nakangiti.

“Hindi na raw talaga siya makakapunta. Hindi ba nag-text sayo?”

Tiningnan ko cellphone ko. May message. “Shet, oo nga!”

“Told you sooooo,” sabi ni Sophia.

BAD TRIP TALAGA O! Pagkakataon na sana ‘to, nawala pa. Di sana hindi na lang din ako pumasok! Bwiset.


[Aya]

Masyado ata akong nagtagal sa library. Bakit kasi ang hirap humanap ng references para sa report namin sa Filipino. Late na tuloy ako! Kailangan nang magmadali...

“Magandang uma---“

“Sakto. ‘Yan, si Aya na lang!!!!” sigaw nila.

Ano na bang nangyayari rito? Physics class na di ba?

“Ha?! Bakit?! Ano?!” sabi ko.

“Sa Rampa, May sakit si Mae eh.”

“Ah okay. Eh sino nang contestant natin?” tanong ko.

“Eh di ikaw! Sino pa? Dali bihis ka na. Eto na yung damit mo,” sabi ni Sophia.

“Ha? Bakit hindi ikaw? Damit mo ‘yan di ba?” sabi ko.

“Di ako pwede. Maliit na ‘to sa akin eh. Kay Mae kasya. Mukhang kasya rin sa ‘yo kaya bihis na! Bilis!” sabi ni Sophia, sabay abot ng damit.

Tumayo lang ako at natulala. Hindi ko alam ang sasabihin.

“Teka, hindi naman quiz bee ‘yun guys!” sabi ni Martin.

“KJ talaga ‘to eh noh. Umayos ka nga Martin,” sabat ni Abe.

“Hindi ko rin naman talaga gusto. Tama si Martin, hindi ako para sa mga ganung bagay. Ang kulit niyo talaga,” sabi ko.

“Hindi mo pa naman nasusubukan, Aya. Sige na, last na Rampa na ‘to," pangungumbinsi ni Clara.


[Martin]

“Okay na ‘yan. Si Aya na di ba? Final na?” sabi ni Sharon.

“Aya, Aya, Ayaaaaa!” sabi ng mga kaklase ko.

Ahhhh ano ba ‘yan… talaga naman! Nandiyan naman si Clara, si Sophia, kahit nga si Sharon... Bakit yung nerd pa?

“Sige na. Kayo na lang. Kaya mo ‘yan Aya. Ikaw Martin makisama ka nga!” sabi ni Sharon.

Itong si Ms. President na nagsalita. Paano ako makakatanggi?

“Aya, Martin, Aya, Martin!!!!!”

“Tsk, oo sige na.” Wala na rin akong takas neto. Nag-volunteer ako eh.
---

Pagkatapos ng Physics...

“Oy Aya, tara na nga. Kailangan na natin mag-praktis, mamaya na yung rampa. Mukhang di ka pa naman marunong,” sabi ko. Dehado na tuloy kami.

“Bakit pa kasi ikaw? Ano naman kayang alam mo rito? Tignan mo itsura mo...” dagdag ko habang naglalakad papuntang Multi.


[Aya]

Paano ko naman pakikisamahan si Martin. Napaka... ugh. Wala na akong magamit na salita para sa kaniya!

“Grabe ka naman. Napilit nga lang din ako, di ba? Hayaan mo pipilitin kong rumampa ng maayos,” sabi ko. “May itsura ka sana kaso ‘yang ugali mo eh...” pabulong kong dinagdag.

Sayang attractive looks ng taong ito, napaka self-centered. Pero kailangan ko siyang pakisamahan. Para sa section. Let’s go Aya!

“Anong sabi mo?” tanong niya.

“Wala. Sabi ko po kailangan ko ng tulong niyo kasi kayo po ang eksperto sa ganitong bagay. Eh isa lang naman po akong hamak na proxy,” nakangiti kong sinabi.

“Kahit papaano pala marunong ka ring bumanat. Kala ko puro Math problems lang laman ng utak mo eh!” sabi niya.

“Aya, lika na, sasamahan na kitang magbihis,” sabi ni Clara.

“Oo, kailangan niya ng tulong,” sabi ni Martin.

Kainis to ah. Ang yabang.

“Feeling mo naman!” di ko napigilang sabihin at tumalikod na ko para sundan si Clara.


[Martin]

Ang tagal naman nun magbihis. Wala namang mababago sa itsura niya.

Biglang may kumalabit sa akin. “Uy Martin, tara na,” sabi ni Aya.

Lumingon ako. Tiningnan ko siya. Hindi ako makapagsalita.

“Huy! Lika na. Bawal late. Baka ma-minusan tayo,” sabi ni Aya ng nakangiti.

Si Aya ba talaga ‘to? Baka naman ibang tao ‘to. Ganda eh.

Umayos ka nga, Martin. Si Mae gusto mong makasama di ba? Nerd ‘yang si Aya! Maganda lang bihis sa kaniya ngayon.

“Anong ginawa nila sa ‘yo?” na lang ang nasabi ko.

“Hala. Bakit, pangit ba?” mukha siyang nag-alala. “Oo sige na, tanggap ko naman ‘to eh. Alam ko naman na ‘yan din ang sasabihin mo kapag nakita mo ako...”

“Hindi,” sabi kong nakangiti. Kasi hindi naman talaga.

“Eh ano nga? Ano ba naman ‘to. Gulo kausap,” naiinis niyang sinabi.


[Aya]

Ano bang gusto niyang sabihin? Ano bang gusto niyang iparating? Bakit ganiyan niya ako kausapin ngayon…

“Bagay sa ‘yo lahat. Ang ganda mo,” sabi ni Martin.

Ha? Ako? Maganda? Imposible naman ata. Baka mali pagkakarinig ko. Ano ka ba naman Aya, hindi ka na ba marunong makinig nang maayos ngayon?


“Tinatawag na po lahat ng mga kalahok sa Rampa, kung maari, pumunta na po kayo sa backstage.”

Ito na nga yun. Rarampa na kami. Pero bakit bumibilis tibok ng puso ko? Sa kaba lang siguro. Hindi naman ‘to dahil sa sinabi niya kanina…

“Tara na raw, Martin,” sabi ko.

---

“Grade 7 pa lang ang gagaling na. Jusko,” sabi ko sa kanya, habang naghihintay sa backstage. Kinakabahan talaga ako.

“Ganun ba? Mas gagalingan natin,” sagot ni Martin. “Panindigan natin ‘to. Mananalo tayo. Tiwala lang. Chill ka lang diyan.”

Nginitian na na naman niya ako. Teka, ano na naman bang trip nito? Kanina lang grabe ang pagsusungit niya sa akin. Pero aaminin ko, lalo siyang naging guwapo sa suot niya ngayon… Lalo na kapag ngumiti siya. Pero ano ka ba naman Aya, bakit ayan ang nasa isip mo?! Kailangan mong mag-concentrate. Para ‘to sa buong section!


[Martin]

“Tinatawagan ang 10-Ipil-Ipil!”

“Lika na, Aya. Sundan mo lang ako...”

“Oo, sige...”

Bakit iba ang tingin ko sa kaniya ngayon? Ang ganda niya pala. Di ko napansin dati ‘yun ah. Tapos kapag ngumingiti siya… Sana ganiyan na lang siya palagi.

“Let’s go Aya-Martin! Go Ipil-Ipil!!!!!”

Naririnig ko yung sigawan ng mga tao paglabas namin. Pero kinakabahan ako. Parang ngayon lang ako kinabahan sa contest. Naramdaman kong pinatong ni Aya yung kamay niya sa balikat ko. ‘La, lalo akong kinabahan.

Bakit ganito? Parang ayoko nang matapos ‘tong rampa.


[Aya]

'Yan, awarding na.

“Para naman sa grado 10…”


“Baleteeeeeeee!”
“Ipil-ipil!”
“Mukhang Bakawan eh!”

Ang ingay naman.

“Ang nagwagi ay walang iba kundi ang… 10-Ipil-ipil!”

Ano? Talaga bang nanalo kami? Gusto ko yatang tumalon sa tuwa. Nilapitan ako ni Martin at pinakapit niya ako sa kanyang braso. “Tara,” sabi niya.

Ano ba? Kakapit ba ko sa kanya o hindi? Sige na nga... nakakahiya naman.

Habang naglalakad kami, patuloy sila sa pagsigaw. Pati ata sila hindi makapaniwalang nanalo kami. Kinuha namin ang award at nagkatinginan kami.

“Sabi sa ‘yo e, kaya natin ‘to,” bulong ni Martin, sabay hawak sa kamay ko. Inalalayan niya ako papunta sa kanan ng stage. Bibitaw na sana ako kaso... lalo pa niyang hinigpitan ang pagkakahawak niya sa kamay ko. Anong nangyayari dito? Bakit ganito?

---

Sinalubong kami ni Sharon sa labas ng Multi. “Congrats! Galing niyo!” sabi niya.

“Siyempre! Ako pa!” nakangising sabi ni Martin.

“Hay naku. Ikaw talaga, Martin! Pero galing niyo, Aya, promise!” sabi niya sa akin. Kumaway na siya at naglakad paalis.

“Haha. Thank you, Sharon!” pahabol ko. “Yehey! Buti na lang nanalo tayo!” sabi ko naman kay Martin.

Tiningnan niya ako at sinabing, “Mabuti na lang ikaw pinili ng klase. Ang galing mo kasi!”

“Haha. Joke ba ‘yan?” tanong ko.

“Hindi. Totoo ‘yun. Magaling ka talaga,” seryoso niyang sinabi.

Iniiwas ko ang tingin ko. “Ganun ba? Thank you ha,” yun lang ang nasabi ko. Masyado na kasing nagiging seryoso... at awkward.

“So, simula ngayon... friends na tayo?” bigla niyang tinanong.

Ano nang isasagot ko? Uhhh....

“Puwede ba akong humindi? Oo naman.”

Okay ka naman pala, Martin. Akala ko puro ka lang yabang. Hindi ko makakalimutan ang araw na ito dahil sa ‘yo.


Biyernes


[Martin]

“Ma’am! Sorry late na naman.” Tinanguan lang ako ni Ma’am Amanda.

“O, Mae magaling ka na? Iniwasan mo lang yata ako.”

“Hindi. Masama lang talaga pakiramdam ko, hindi na ako pinapasok.”

“Ok lang. Panalo naman,” sabi ko.

Ayun, tabihan ko si Aya. Badtrip bakit parang excited ako. Pero friends naman na kami. Wala namang masama. Tama, sa kanya na lang ako magtatanong.

Kinalabit ko siya. “Ano na ‘yan?” sabay turo ko sa board ng nakangiti.


[Aya]

“Trigonometric functions. Sine, cosine, tangent, cotangent, secant, cosecant... Wait lang, bakit sa akin ka tumabi? Dun ka sa kabila nakaupo ah.”

“O bakit? Kinikilig ka?” sabi ni Martin.

Natawa at napairap na lang ako sa sinabi niya. “Excuse me! As if naman!” sagot ko.

“Yieeeee... LQ!” panunukso ng mga kaklase namin.

Hala. Narinig yata nila yung sinabi ko. Tinalikuran ko si Martin at nakinig na lang ako.


[Martin]

“Bagay naman kayo a! May chemistry nga kayo nung Rampa e,” sabi ni Vincent.

“Oy kups ka talaga! Tumigil ka nga!” saway ko.

“Sus! Eh ano yung paghawak mo sa kamay niya nung awarding? Hahaha!” hirit ni Sophia.

“Yiheeeee....” sabi nila.

Napangiti ako at hindi na nakakibo. Bakit ko nga ba hinawakan yung kamay niya? Napasulyap ako sa kanya at nahuli kong nakatingin rin siya sa akin. Nagkangitian kami.

“Aya...”

...Parang gusto pa kitang makilala... ●

You Might Also Like

3 comments: