Feature: Sa Likod ng mga Eksena: Sa Punong ‘To x Ang Korona
Bahagya na lamang ang nakikitang sinag ng araw.
Pasado na sa oras ng ensayo at wala nang maibubuga pa ang mga tao dahil sa maghapong pagkahapo. Paos na ang mga boses at nasaid na ang lahat ng mga luha. Wala pang kadahon-dahon ang mga puno, hamak na tubo pa lamang ang espada, payong lamang ang baril, at simpleng plastik na laruan ang hinirang na korona.
Lilipas ang ilang linggo at uulit ang ganitong eksena. Pero unti-unting magkakadahon ang mga puno, magiging tunay ang espada, baril na ang baril, at may kapangyarihan na ang korona.
Hanggang sa isang araw ay nasaksihan na ito ng madla.
Ang produksyong pinamagatang “Sa Punong ‘To” at “Ang Korona” na ipinalabas noong Disyembre 5 at 6 ay proyekto ng klaseng Filipino Drama (FD), isang interest course sa Grado 12. Naglalayon itong ipakita ang kanilang mga kakayahan at natutunan sa isang semestreng workshop ng pag-arte.
Kaiba sa mga nagdaang taon na nagsadula ang mga klase sa FD ng mga nailathala nang dula ng mga manunulat na Pilipino, ang iskrip ngayong taon ay gawa ng mga mismong mag-aaral ng UPIS. Sumulat ng orihinal na dula para sa FD ang mga mag-aaral sa Grado 10 na nasa Social Sciences and Humanities track bilang proyekto sa kanilang cluster course na Malikhaing Pagsulat (MP).
Isinulat ng grupo nina Yel Brusola, Therese Aragon, Jelena Evangelista, Franz Joves, Miggy Castro, Ronnel Fernando, at Gabby Arevalo, ang “Sa Punong ‘To” ay tumatalakay sa iba’t ibang uri ng pag-ibig sa magkakaibang panahon. Nabuo ang produksyong ito sa direksyon nina Wenona Catubig at Roan Ticman. Pinagbidahan ito nina Samuel Silvestre, Max Salvador, Geraldine Tingco, Fred Samonte, Yanna Reblando, at Yumi Dela Torre.
“Nagulat kami sa materyal na ibinigay sa amin dahil hindi namin inakala na mga Grado 10 ang nagsulat nito. Natuwa kami sa 'premise' ng napunta sa aming kuwento, lalo na ang mga actors. Bagaman may ilan kaming mga binagong linya, para lang naman ito maging mas maikli ang buong produksyon dahil mayroon kaming time limit,” ayon sa direktor ng “Sa Punong ‘To” na si Catubig.
Ang “Ang Korona” naman ay akda ng grupo nina Liane Bachini, Eloisa Dufourt, Kathleen Cortez, Alyssa Avila, Christine Caparas, Rochelle Gandeza, at Kyla Francia. Tungkol ito sa apat na pinuno na nais lamang matulungan ang kani-kanilang sektor sa pamamagitan ng pakikipagdiyalogo sa hari at sa reyna. Ngunit dahil sa mga hindi maaasahang kamahalan, umabot sa punto na sila na mismo ang nag-agawan sa kapangyarihan. Nabuo ang produksyon sa direksyon nina Alexandra Arugay at Francis Eloriaga. Pinagbidahan ito nina JN Fajutagana, Marlyn Go, Josh Santos, Alex Yangco, Craig Aquino, at Cheska Estabillo.
“Natuwa ako sa dula na sinulat ng MP dahil nakita ko ang potensyal nila. Hindi man ito perpekto, ipinakita nila ang kakayahan nilang magsulat ng hindi tula o karaniwang kuwento. At kung ito ang unang dula na naisulat nila, mahusay na ito para sa kanilang edad,” sabi naman ng direktor ng “Ang Korona” na si Arugay.
Nasa humigit-kumulang na isang buwan ng klase sa FD ang paghahanda ng lahat mula sa pagkabisado ng iskrip, pag-ensayo ng mga pagbigkas at paggalaw sa entablado, paggawa ng mga props, pati pag-iisip ng ideya para sa disenyo ng mga tiket at kung paano maibebenta ito.
TAGUMPAY. Masayang nagpakuha ng litrato ang mga estudyante ng Filipino Drama 2019 pagkatapos ng kanilang huling pagtatanghal noong ika-6 ng Disyembre. Photo Credit: Nina Dela Torre
|
Dagdag pa ni Arugay, “Sa tingin ko, napadali ang paghahanda para sa dula dahil sa aking mga ka-batch na masipag at magagaling sa kanilang trabaho. Siyempre, mayroong mga stressful na sandali, ito naman ay naging ‘worth it’ sa dulo. Ako ay proud sa nailabas na mga dula ng FD at MP.”
Tinatayang 87 katao ang dumalo noong unang araw at 129 naman noong huling pagpapalabas. Inaasahang hindi ito ang huling beses na magsasama sa isang produksyon ang mga klase ng Filipino Drama at Malikhaing Pagsulat.//ni Rain Grimaldo
0 comments: