josh santos,

Media Center, nakatanggap ng panibagong equipment

12/19/2018 07:37:00 PM Media Center 0 Comments



DATING MAG-AARAL. Magiliw na nagpakuha ng litrato si G. Ativo kasama ang ilang estudyante, guro, at ang prinsipal ng UPIS. Photo Credit: Marco Sulla

Nagbabago na ang mukha ng midya. Kung noon ay umaasa ang mga tao sa nakalimbag na mga balita sa papel, ngayon ay bubuksan na lamang nila ang kani-kanilang mga laptop o cell phone at sa isang haplos at pindot na lamang ng daliri ay makakakalap na sila ng impormasyon.

Ang Media Center (MC), tinatawag noon na Audio-Visual, Print and Broadcast Work Program ng University of the Philippines Integrated School (UPIS), ay dati pa man ding naglilimbag ng mga balita ng paaralan sa kanilang pahayagan na Ang Aninag. Bilang isang school paper, mayroon itong tungkulin na ipaalam sa mga estudyante ang mga kaganapan sa loob at labas ng kanilang mga pader.

Sa pagbabago ng panahon ay nagbago na rin ang MC. Dati ay naglalathala ito ng diyaryo, magasin, at wall news, pero noong 2011 ay naging online na ang paglalabas ng mga artikulo at akda sa Ang Aninag Online (AAO). Mayroon na ring social media accounts ang MC (Facebook, Twitter, YouTube) na nagpapaalam naman sa mga tagasubaybay ng mga lumalabas na materyal sa AAO.

Kasama ng pagbabagong ito ay kinakailangan din ng MC ng mga napapanahong kagamitan.

Kaya’t isang biyaya na naghandog si Ginoong Nonoy Ativo ng UPIS Batch ’86 sa UPIS MC ng camera kalakip ang iba’t ibang paraphernalia sa photography gaya ng high definition lenses at samu’t saring photography books noong Disyembre 18.

Ito ang kaniyang ikalawang pagbalik sa UPIS upang magbigay ng minsan na niyang nagamit na mga libro sa kaniyang propesyon bilang isang photographer.

“…[O]ur students may be able to use it more [...] I think you guys need to be exposed to these things,” pahayag niya nang tanungin sa kaniyang layunin sa pamamahagi. Bukod pa roon, nais niya ring ipahayag na iba pa rin ang pagkatuto sa pagbabasa ng libro. “Nagamit ko talaga sila although may internet na noon, [at saka] sa libro kasi may samples ka na.”

Inaasahan niya na magpakadalubhasa ang lahat ng estudyante sa iba’t ibang anyo ng midya, mapainternet man o tradisyonal na mga libro. “My expectations from you guys is to really immerse yourself in all the media that you are encountering, especially social media. Understand the issues involved. Kasi when you get to college and you start working, you will realize that communication […] is the backbone of a lot of industries.” Dagdag pa niya, “How you communicate, what you communicate, how you stand on issues, your sensitivities, all these things come into play. So siguro magandang [i-practice] niyo na ‘yan habang nandito kayo [sa UPIS]. Itaas ninyo ‘yung quality, ‘yung bar, para maging world class ‘yung outputs [ninyo]. ”

PANAYAM. Magiliw na sinasagot ni G. Ativo ang mga tanong sa kaniya ng staff ng Media Center. Photo Credit: Marco Sulla


Dating miyembro ng Media Center si G. Ativo na noo’y tinatawag pa nilang AV Print. “I used to submit articles, so hanap kami ng news sa campus, but […] my biggest project back then was the Sulyap ‘86,” kaniyang pahayag. Nagsusulat siya noon para sa Aninag, na dati ay wall news.




Bukod sa mga gamit, nagbahagi rin si G. Ativo ng ilang aral na natutunan niya sa pagiging mag-aaral at miyembro ng school paper staff na nadala niya hanggang sa pagtanda. Ilan dito ang pagpapasa sa takdang oras, pagiging dalubhasa kapwa sa wikang Filipino at Ingles, at ang pagiging organisado.

“Meet your deadlines. Ngayon wala kayong ligtas kasi may Viber group na kayo [...] Pero noong araw, old school, pagagalitan kami, as in sermon.  Kunwari late sa deadline, ang sasabihin, ‘O, ano na namang rason mo ngayon?’” kuwento niya sa kaniyang karanasan noong siya ay nagsusulat pa lamang sa Aninag. “And in a way, dati bad trip, pero now, when I look back, na-appreciate ko. [...] The fact that they were so upset means that they were very passionate about how we do it. [...] Naniniwala ako sa old school, meet your deadlines. Dala-dala ko ‘yan hanggang ngayon.”

Isang malaking bagay ang pagbabahagi ni G. Ativo ng mga equipment sa MC. Bukod sa mas maraming magagamit ang mga mag-aaral ay mas maganda na rin ang kalidad ng mga materyal na kanilang ilalabas. Dagdag pa rito ay ang kaniyang mga paalala at aral para sa mga kasalukuyang estudyante ng UPIS.

“Ang taas ng tingin ng mga tao sa mga galing sa UPIS [...] kaya pagbutihin ninyo, dahil dala-dala niyo ‘yan [hanggang sa paglaki],” pabaon ni Sir Ativo matapos ang panayam. //nina Wenona Catubig at Josh Santos

You Might Also Like

0 comments: