geraldine tingco,

UPIS Batch ‘24, nagsagawa ng Temple Tour

12/19/2018 07:28:00 PM Media Center 0 Comments



DAMBANA. Tiningala ng mga estudyante ang mga estatwa sa Seng Guan Temple. Photo Credit: Zaeda Wadi
Nagdaos ng lakbay-aral ang mga mag-aaral sa Grado 7 ng University of the Philippines Integrated School (UPIS) sa iba’t ibang templo sa Metro Manila noong Nobyembre 24.

Bahagi ito ng proyekto sa Araling Panlipunan 7 na pumapaksa sa Asya na layong mamulat ang mga estudyante sa iba’t ibang relihiyon na umusbong sa kontinente, mapaghambing ang mga ito, at masuri ang impluwensiya ng iba’t ibang paniniwala sa kasalukuyang lipunang Asyano.

Una nilang binisita ang Seng Guan Temple sa Maynila kung saan nagbahagi sa kanila ng kaalaman ang isang guro ukol sa mga diyos ng Buddhism at ang kahalagahan ng bilang ng insenso tuwing sila ay sumasamba.

Sunod nilang dinalaw ang Sheng Lian Temple sa Quezon City kung saan itinuro ng isang guro ang paraan ng pagsamba at mga paniniwala sa relihiyong Taoism.

Pangatlo nilang tinungo ang Hindu Temple sa Maynila kung saan sila ay nilibot ng isang tour guide sa lugar at ipinaliwanag sa kanila ang relihiyong Hinduism.

Pinuntahan din nila ang Indian Sikh Temple sa Marikina at ipinaliwanag sa kanila ng isang Guru ang relihiyong Sikhism, ang kasaysayan nito, at ang kanilang mga gawain partikular na ang paraan nila ng pagsamba at pang-araw-araw na buhay. Pinatuloy sila sa Langar o isang pangkomunidad na kusina at hinainan ng mga pagkaing mula sa relihiyon tulad ng roti.

Ayon kay Itos Diaz ng 7-Neptune, ang natutunan niya sa lakbay-aral ay “[r]espeto. Dahil iba’t iba [ang mga] tao na naniniwala sa iba’t ibang bagay, dapat iyon ay [igalang].”

Nang tanungin naman tungkol sa pagiging mulat sa iba’t ibang relihiyon, sinabi ni Raymond Tingco ng 7-Venus na “Mahalaga [ito] upang maintindihan natin ang iba’t ibang tao na napapaloob sa relihiyong iyon at upang sa oras na makasama natin sila, hindi natin sila mao-offend.” 

Pupuntahan din dapat ng mga estudyante at guro ang Binondo Area (Binondo Church, Plaza Calderon dela Barca, at Kalye Ongpin) ngunit dahil sa kakulangan ng oras ay hindi na sila natuloy.  //ni Geraldine Tingco

You Might Also Like

0 comments: