chapter 5,

Literary: E=MC^2 Chapter 5

3/02/2015 07:44:00 PM Media Center 0 Comments

Ang E=MC^2 ay kuwentong binuo, sinulat at pinaghirapan ng Media Center 2 2015 staff bilang kanilang creative writing project ngayong semestre.

Ang mga tauhan at mga pangyayari ay pawang kathang isip lamang, hindi hango sa tunay na buhay o karanasan. Ang anumang pagkakahawig sa tunay na buhay ay nagkataon lamang at hindi sinasadya. Walang bahagi ng kuwentong ito ang maaring ilathala at gamitin sa anumang paraan nang walang pahintulot ng may-akda.




-----

[Matt]

Martes ng umaga, eksaktong mag-aala-singko nang ako ay magising mula sa aking tulog na hindi gaanong kahimbingan. Mga sampung minuto rin siguro akong tumunganga at tumitig sa kawalan.

Pagkatapos kong mag-ayos, sinubukan kong mag-almusal. Nakahain sa harapan ko ang paborito kong almusal, pandesal na may palamang itlog. Oo, paborito ko ‘yan, kasi bihira lang ‘yan ihanda sa hapag kapag umaga. Nakakaumay na rin kasi yung mga tipikal na almusal, yung mga silog-silog na ‘yun. Sobrang baba na ng Marginal Utility ko pagdating sa mga pagkaing ganun.

Sa kabila noon, nakatanga pa rin ako sa harap ng hapag. Para akong youtube video na nagbubuffering.

“Anak, kain na,” sabi ni Papa.

Hindi ko narinig, kaya inulit ni Papa.

“Anak, kain na. Paborito mo ‘yan diba?” sabi niya sa mas malakas na boses.

“‘Pa, parang wala akong ganang kumain.”

“Bakit, anak? May sakit ka ba?”

“Hindi po, ‘Pa, parang wala lang talaga akong ganang kumain,”

“Anak, problemado ka ba?”

“Hindi naman po, baunin ko na lang ‘to. Sa school ko na lang po kakainin,” sabi ko, sabay balot ng pagkain at umalis.


“Kuya Domeng, diyan na lang po ako. Salamat po,” sabi ko kay Kuya Domeng.

Pagkatapos kong kunin ang aking bag, bumaba ako sa aming dilaw na Chevrolet Camaro na aminin na rin natin, medyo hawig nga ni Bumblebee. Mabagal akong naglakad sa may walkway pagkatapos i-check ni Manong Guard kung may dala ba akong ID.

Tipikal ang umaga noon sa school. Dumadampi sa aking mukha ang malamig na simoy ng hangin tuwing umaga. Tahimik din, hindi dahil sadyang tahimik lang, kundi tahimik dahil wala pang gaanong tao. Tutal, 6:20 pa lang naman at mukhang mamaya-maya pa magdadatingan ang mga estudyante na karamihan pa ay late na naman sa Flag Ceremony.

Umakyat ako sa may hagdan at umupo sa isa sa mga bangko sa may bandang ramp.
Ilang minuto ang lumipas. Parang may mali sa umaga. Kung tama ang aking pagkakaalala dapat sa mga ganitong oras may biglang dadating na babae na nakasalamin, mahaba ang buhok, may pink na bag, at may permanent na bangs at biglang sisigaw ng, “Good Morning, Mattyboy!” na parang wala nang bukas at bigla akong yayakapin.

Lumipas ang ilan pang minuto. Marami-rami na rin ang mga nagdatingan. Pero sa lahat ng dumaan, wala ni-isang may pangalang Consolacion Pamintuan.


Natapos na ang Flag Ceremony. Papaakyat na ako papuntang Math Class nang biglang dumating si Luis. Agad-agad siyang tumakbo papunta sa akin na parang asong ulol.

“Hoy Matteo! Anong problema para kang hindi nag-almusal ah,” bungad ni Luis na parang walang kaproble-problema sa buhay.

“Hindi naman talaga ako nag-almusal eh. ‘Tsaka hoy walang’ya bumalik ka nga doon may Special Flag Ceremony. Late ka kaya,” sabi ko sa kaniya. Pero parang walang epekto.

“Suuus, sa Prom nga may nalalate ‘di pinapagalitan eh. Dapat sa Flag Ceremony rin.”

“Walanghiya ka talaga. Kinumpara mo pa sa Prom. Iba ka brad!”

“Oo nga, speaking of Prom, anyare sa inyo ni Maya? Brad sabi mo sa’kin dati tinuturuan mo lang ng Chem yun ah. Tapos ngayon...” sabi niya na may kasamang kindat.

“Ayos lang naman. Parte ng plano eh. Pero iba pa rin talaga,” sabi ko sa isang mas seryosong tono.

“Iba pa rin na ano?”

“Iba pa rin talaga kapag si Coco yung kasama ko. Mas masaya. Parang mas makulay ‘yung lahat.”

Umihip bigla ang isang malamig na simoy ng hangin.

Pagdating namin sa room, eksaktong nagseset-up na yung aming Student Teacher na parang may kamukha pero ‘di ko lang talaga ma-pinpoint kung sino. Ewan. Basta medyo kamote siya magturo. Ako pa nga ‘yung tinatanong niya kapag hindi siya sigurado sa ilang sinasabi niya eh. Tapos kapag maingay kami bigla na lang tatahimik at hindi na magsasalita hanggang sa tumahimik din kaming lahat. Basta ang labo. Ako lang yata nakakaintindi sa mga itinuturo niya.


Bumati kami ng Good Morning tapos umupo. Agad akong dinaldal ni Luis.

“Pare! Seryoso ka ba dyan?! Akala ko ba kaya mo ginawa yung napakahabang plano mong ‘yun sa yellow pad kasi ayaw mo na sa kaniya. Tapos ngayon bigla kang bubulalas ng ganiyan,” sabi niya nang medyo malakas pero pabulong.

“Ewan ko ba pare, iba eh. Iba talaga yung atmosphere para sa’kin ‘pag nandoon siya. Pero ni anino niya wala nung Prom eh.”

“Hala seryoso, hindi pumuntang Prom si Coco?”

“Oo brad. Wala siya doon. Medyo naguiguilty nga ako eh.”

“Bakit? Akala ko ba hindi mo na mahal? Kaya mo nga pinapalayo yung loob sa’yo ‘di ba? Kaya ka nga nagyaya ng ibang maipo-prom date kasi ayaw mo na sa kaniya,” sabi niya na medyo napapalakas na yung boses.

“Akala ko rin eh. Pero nagkamali ako. Kanina ko lang na-realize.”

“ANAK NG TOKWA PARE IBA YUUUN! WALANGHIYA!” sigaw ni Luis sabay takip ng bibig nang ma-realize niya na nasa loob kami ng klase.

Narinig kami ni Ma’am kaya tinawag niya bigla si Luis.

“Mr. De Vera. Anong kaguluhan ang nagaganap diyan?” galit na tanong ni Ma’am ______.

“Ay naku Ma’am wala po. Nakawala daw po yung alagang aso nina Matteo kagabi tapos nangagat ng dalawang guwardiya doon sa may subdivision nila,” nakangiting sagot ni Luis na parang walang nangyari.

“Hoy ikaw Luis tigil-tigilan mo ako ah. Sagutin mo na lang ‘tong nasa board,” mataray na sabi bigla ni Ma’am.

At siyempre, si Luis, dahil isa siyang napakasipag at napakatalinong mag-aaral, tumalikod siya, humarap sa akin at bumulong.

“Pare, ano’ng sagot, ‘di ko alam to, dali na, yari ako kay ma’am!” pagmamakaawa niya sa akin.

“Sabihin mo 3x(squared),” sagot ko sa kaniya pagkatapos kong umaktong nag-compute.

“Salamat brader, babawi ako sa’yo mamaya.”

Humarap siya ulit kay ma’am at nagsalita.

“Ma’am! Dahil isa akong masipag at matalinong mag-aaral ng paaralang ito, nakuha ko na ang sagot,” bungad ni Luis, sabay umaktong nag-aayos ng polo.

“Sige nga, ano?”

“Ayon po sa aking computations, 3x(squared). Yan po ma’am, galing sa’kin ‘yang sagot na ‘yan. With love pa kasi katatapos lang ng Valentine’s Day.”

“Sure ka na ba sa sagot mo?”

“Opo naman ma’am. 100 percent suuuure!”

“Mali ka kaya! 6y yung sagot. Umupo ka na nga lang. Sumasakit ulo ko sa’yo eh,” sabi ni Ma’am na sinundan ng malakas na tawanan sa loob ng klase.

Napakamot na lang ng ulo si Luis habang umuupo. Hindi rin ako makahinga kakatawa kasi proud na proud pa siyang sinabi ‘yung ibinigay kong sagot. Eh sinadya ko naman talagang mali yung ibigay. Ang ingay niya kasi eh.

Pag-upo niya, kinausap niya ako ulit.

“Pero pre, di ko talaga kinaya yung sagot mo kanina. Iba talaga ‘yun,” sabi sa akin ni Luis.

“‘Di ko nga rin maipaliwanag eh. Na-realize ko na lang bigla na nandun pa pala. Na hindi pa rin pala nawawala yung feelings ko para sa kanya. Na mahal ko pa siya. At kung babalikan ko ‘yung mga kalokohang ginawa ko nitong mga nakaraang buwan na nakadetalye pa sa pang-malakasan kong yellow pad, mas gugustuhin ko pang hindi grumaduate.”

“Brad, iba nga talaga.”

“Oo nga. AAHH gusto ko siyang makausap! Kahit alam kong hindi na ganun kadali yun.”

“Brad, hindi ganun kadali ‘yun. Masyado pang masakit para sa kaniya ‘tong mga nakaraang araw. Bukas na lang siguro. Basta huwag muna ngayon.”

“Sige salamat pre.”

------------------------------------------------------

Kinabukasan, araw ng Miyerkules. Nagtitinda kami ng pagkain para sa function namin sa PA Pavillion nang biglang may lumapit sa akin. Si Luis.

“Pre! Bad news!” bungad niya sa akin sabay punas ng pawis.

“Anong bad news, bad news? Anak ng kwek-kwek na kulay pink naman oh may Function na tayo dito eh saan ka galing?” tanong ko kay Luis.


Itinaas niya ang kaniyang kamay na nakamuwestrang may tatlong daliri na nakataas at nagsalita, “Ball is Life.”

“Hoy walang hiya puro ka Ball Is Life samantalang nagtatrabaho kami dito. Heto kunin mo ‘tong tray na’to tapos magtinda ka doon sa loob, sa may ST Lounge maraming tao dun,” naiirita kong sagot kay Luis.

Paano ba naman kasi, may function tapos sa halip na magbantay sa tindahan eh kalabang team yung binabantayan niya doon sa court. Hay, minsan talaga, ay mali, hindi pala minsan, madalas talaga parang kamote din ‘tong si Luis na ‘to eh. Kung ‘di ko lang bestfriend ‘to baka naipakulam ko na ‘to sa bruha sa probinsya namin eh.

“Pre naman, easy ka lang! Pag ako na nagbenta niyan ubos yan pramis, wala pang limang minuto. Sasambahin mo ako sa galing ng aking marketing skills.”

“Manahimik ka nga. Ikaw lang rin kakain niyan eh. Para magmukhang ubos na. O, siya, siya. Ano ba yung bad news na sinasabi mo?”

“Sigurado kang gusto mo talagang malaman?” tanong pabalik sa akin ni Luis.

“Kaya ko nga tinatanong eh. Ano na kasi yun?”

“Brad, si Coco, na-injure yung paa kaninang PE nila. Nandun nakahiga sa may Clinic.”

Hindi na ako nagdalawang-isip. Iniwan ko muna yung pagtitinda sa groupmates namin, dinala ko yung bag ko, at dali-daling pumunta sa Clinic. Bahala na kung kailanganin kong mag-make up sa pagtitinda. Basta heto at kailangan kong makipag-make-up kay Coco.

Pagdating ko, tahimik lang na nakahiga si Coco sa may higaan ng Clinic. Nakapasak yung pink niyang earphones sa tenga niya habang nagbabasa ng “If I Stay” nang bigla niya akong napansin. Hindi siya kumibo.

“Uh, hi, Coco,” bungad ko sa kanya.

“Uhm, hello, Mr. Monteverde,” sagot niya sa akin sabay balik sa pagbabasa.

“Aba, kailan ka pa nahilig sa pagbabasa ng romantic novels?” tanong ko sa kanya para kahit papaano ay mapatakbo ko tong usapan namin.

Hindi ko naisip na sa loob ng kakaunting panahon na iyon ay sobrang laki na ng mga pagbabago. Mga pagbabagong dulot din naman ng mga katangahan ko.

“Nitong weekend lang. Sinimulan ko ‘to if I remember it right I think nung Prom ninyo,” sagot niya sa akin.

Oo nga pala, hindi nga pala siya sumipot nung Prom.

“Look, Coco...”

“Matteo,” putol niya sa pagsasalita ko, “wag mo nang ipilit magstart up ng conversation kasi magmumukha ka lang tanga diyan. Ever since nung inindyan mo ako nung prom at si Maya ang ginawa mong prom date kahit na boyfriend kita, awkward na ang lahat sa atin.”

At hayun. Bumagsak sa akin ang katotohanan. Wala na akong magagawa. O wala na nga ba akong magagawa?

Hindi, may pagkakataon pa. Kakayanin ko pang maibalik ang dati na alam kong ako rin ang sumira. Aayusin ko ang lahat. I will do my best para maipagpatuloy ang kuwento ng pantasya na ako rin ang nagtangkang pumutol.

“Listen, Coco. Kahit makinig ka lang sa akin, okay na. Kahit hindi ka sumagot, ayos lang sa akin. Ang mahalaga, masabi ko ang nilalaman nitong napakabigat kong damdamin.”

Nanatiling tahimik ang kuwarto. Walang umimik. Pero ipinagpatuloy ko ang aking monologue.

“Una sa lahat, sorry. Sorry kasi naging isa akong malaking tanga. Sorry kasi hindi ko nakita kung gaano ka kabuting nilalang. Kasi tinake for granted kita. Patawad dahil puro kapintasan mo ang nakita ko at hindi ang iyong mga kagandahan. At huli, patawad dahil sinaktan ko ang damdamin mo.”

Wala pa ring umiimik. Tanging ang ugong ng umiikot na bentilador at ang tunog ng paglipat ng mga pahina ng libro ang pumuno sa tahimik na silid.

“Bago matapos ang lahat, nais ko lang malaman mo na nag-iba ang kulay ng mundo ko nitong mga nakaraang araw dahil wala ka. Naging grayscale ang buong mundo ko. Nawalan ng kulay.”

Biglang napatitig si Coco. Huminto siya at isinara niya ang binabasa niyang aklat at tinignan ako nang mata-sa-mata.

“So, anong gusto mong palabasin? Gusto mong bumalik ang lahat sa dati? Doon sa mga panahong masaya pa tayo? Sa tingin ko alam mo namang imposible nang mangyari ‘yun,” sagot ni Coco.

“Alam ko namang imposible nang mangyari ‘yun. Pero pwede naman tayong magsimula ulit.”

“Magsimula ulit? Ano pang sisimulan natin? Kung alam ko lang na sisirain mo lang din pala sa dulo, sana hindi na natin ‘to tinuloy noon.”

Hayun. Tameme ulit ako. Barado. Wala naman akong maisagot dahil alam kong totoo naman ang mga sinasabi niya.

“Alam mo, hindi mo naman kailangan ipagpilitan ang sarili mo sa akin. Alam ko namang wala ka nang pagtingin sa akin. Kung sa tingin mo ay mapapalubag mo ang loob ko sa mga ginagawa mo ngayon, mali ka. Kaya stop na, please. Wala ka ring mapapala,” sabi ni Coco sa isang malumanay ngunit malungkot na tono.

Isang mahabang katahimikan ulit. Walang gustong kumibo. Mga ilang minuto ring mga tunog lang ng mga dumadaan na sasakayan sa labas ang naririnig. At matapos ang ilan pang minuto, wala sa isip akong nagsalita.

“Alam mo, hindi ako nakatulog nitong mga nakaraang gabi sa kakaisip. Napuyat ako sa pag-iisip kung paano ko sasabihin sayo na...”

“NA ANO?” sigaw ni Coco na medyo naiinis na, pero halatang-halata ang kaniyang namumugtong mga mata.

“Na mahal pa rin kita.”



ITUTULOY.

You Might Also Like

0 comments: