Literary (Submission): Kailan Pa*
"Kung ‘di ngayon kailan pa, bukas o makalawa..."
Disyembre.
Napakabagal mo talaga kahit kelan.
Huling Powerdance na. Huling UPIS Week. Huling Christmas Party. Huling Lantern Parade kasama ang batch. Kasama siya.
Siguro ito na ang panahon para malaman ng best friend ko na mula pa noong una mong Powerdance, unang UPIS Week, unang Christmas Party at Lantern Parade, siya na ang gusto mo.
Sinamahan na nga kitang bumili ng regalo para sa kanya. Yung boxed set ng paborito niyang series. Yung paisa-isa niyang hinihiram sa library. Sabi ko bumili ka na rin ng bookmark. Yung parang clip na di mo maintindihan kung pano ginagamit. Pero alam kong magugustuhan niya yun kasi penguin ang design. Sabi ko samahan ko na rin ng tatlong malaking bar ng paborito niyang Cadbury. Para kakainin niya habang nagbabasa.
Tinulungan pa kitang isulat ang note. May pagbati ng Maligayang Pasko at kaunting pahaging na mahalaga siya sa’yo.
Binalot ko ng maganda at maghapon kong bitbit sa school habang nag-iisip ka kung paano ibibigay sa kanya. Pero higit sa hindi ka makatiyempo, alam ko kinakabahan ka sa magiging reaksyon niya. Kaya habang nakatungo siyang natutulog sa classroom na naka-assign sa batch, iniwan mo na lang ang regalo mo sa tabi ng bag niya.
"Baka makawala pa…"
Kaso sa dinami-dami ng makakalimutan mong ilagay, pangalan mo pa! Hindi naman siya psychic, ano ba? Naiinis na ko kasi sa’kin siya maya’t mayang nagtatanong kung kanino galing. Kahit nagpost siya sa Instagram ng picture ng gifts mo with matching thank you hart hart hart at sinabing magpakilala ka, hindi ka pa rin nagreact! Alangan namang sumama na nga ako sa pagbili at pagbibigay, ako pa magsasabi?
“Sorry na,” sabi mo, sabay abot sa’kin ng isang parang kahon na nakabalot sa colored paper.
“Ano ‘to?” pagtataray ko.
“Buksan mo.”
Sinira ko yung wrapper at napangiti ako nang makita ko ang laman. Yung Doodle planner na gustong-gusto kong bilhin nung nasa bookstore tayo pero nagdalawang isip ako.
“Wag ka sanang magsawang tulungan ako.”
Okay. Fine.
Naiparating mo na ba? Naihayag mo na ba?
Pebrero
Kaliwa’t kanan na ang nagpopromposal kaya hinihintay ko na yung plano mo para sa kanya. Kahit naman di mo ako tanungin, siyempre bilang best friend niya, tutulungan kita. Kasi ikaw talaga ang boto ko. Mula pa nung malaman ko na matagal mo na siyang gusto.
Pinariringgan na kita ng mga sinasabi niyang gusto niya. Ang saya raw siguro na nakasulat sa pepperoni pizza yung tanong. Tapos flowers. Nagagandahan siya sa pink roses. Kahit anim lang, pwede na. Tsaka harana. Kahit ako pa ang tumugtog para sa’yo, basta makausad-usad ka lang.
Kaso anong petsa na, wala pa rin! Isang linggo na lang prom na, hindi ka pa rin nakakadecide. Nakaalis na kaming cadets papuntang bundok, nakabalik na kami galing ng Annual Camp, wala. Nganga ka pa rin. Hay. Parang hindi mo rin pinapansin lahat ng reminder ko. Tatango ka lang tapos change topic na.
"Nakapagtapat ka na ba? Ano ba!"
Hindi ko maintindihan kung bakit nag-aalangan ka. Last year, gets ko kung bakit di ka man lang nag-attempt. Hindi ka kasi sure kung naka-move on na ba talaga siya dun sa loko niyang “ka-MU.” Baka nga naman rebound lang ang datingan mo.
Pero ngayon? Ano pa ang pumipigil sa’yo? Ayan na ang chance! Palalampasin mo na naman ba? Ugh!!!
“Wag na ganyang promposal. Hassle eh,” sabi mo. Hassle? HASSLE??? Ano ba naman ‘yung konting effort? Pero… okay… breathe.
“O sige. Paano na?”
“Eto.” Inabot mo sa’kin ang isang nakatuping papel. Tula. Maikli lang. Simple. Pero nakakakilig. Promposal level.
“Ang ganda!!! Iaabot ko! Tapos pag nabasa nya, magpakita kang may dalang flowers!!!” sabi ko.
Nagkibit ka ng balikat. “Wag na.”
“Huh? Bakit?”
“Basta! Wag na.” Medyo malungkot ang boses mo. Bakit parang nawawalan ka ng pag-asa?
“Eh di ipapasa ko na lang sa MC. Sasabihin ko sa EIC namin ipublish sa Aninag. Lagi siyang nagbabasa dun. Pag natuwa siya, pakilala ka! Sabihin mo para sa kanya.”
Umiling ka ulit. “Wag nga.”
“Bakit??? Grabe kaya! Kung para sa’kin ‘to, oo talaga ang sagot ko.”
Ngumiti ka lang ng matipid. Okay. Hay. Ewan ko sa’yo. Bakit ba napakatorpe mo?
"Di niya malalaman, di mahuhulaan damdamin mo…"
Marso.
Ang slow mo.
Last week na ng klase. Last day na ng pagbebenta ng dry goods. Last day na para magtalumpati. Last draft na sana ng thesis. Nabibilang ko na ang mga araw bago ang limang buwang bakasyon.
Kaya siguro, ito na rin ang last chance ko para linawin sa’yo ang nararamdaman ko mula pa nung first group activity nung first quarter. Nung first class production. Nung first sem.
Binigyan na kita ng regalo. Yung planner na limang beses mo yatang hinawakan at binitawan, pinag-isipan kung bibilhin o hindi. Hanggang sa tuluyan mo nang iniwan at sinabing, “Next time na lang.” Binalikan ko rin nung araw na ‘yun. Sulit na sulit ako sa gulat at sayang nakita ko sa mukha mo.
Ilang beses na rin akong nagpasubmit sa’yo ng tula. Minsan kahit hindi pang-submit, binibigay ko lang sa’yo. Lahat na yata ng hugot ko, nailagay ko diyan. Lahat ng klaseng pagpaparinig at pagpapahaging na naiisip ko, sinama ko na.
Lahat na yata ng excuse para makasama ka palagi nagamit ko na. Magpaturo sa Physics. Magpatago ng gamit. Magpaprint. Magpasama bumili ng regalo para sa ibang tao. Kahit minsan naririndi na ko sa mga reminders mo, kahit naiinis na ko sa ipinagpipilitan mo, ayos lang. Kahit maya’t maya mo na kong pinagagalitan at iniirapan, tinitiis ko, basta kasama kita o kausap.
Pero hindi ka pa rin maka-gets.
"Kung di sasabihin…"
Abril.
Graduation practice.
Sabay tayong pumapasok. Hindi kita iniiwanan. Nililibre kita ng pancit canton sa Vinzon’s bago kita ihatid sa bahay niyo. Ka-text kita habang naglalakad ako pauwi. Magkachat tayo hanggang gabi.
Pero siya pa rin ang gusto mong pinag-uusapan. Tungkol sa kanya pa rin ang mga tanong mo sa akin.
“Nakapag-usap ba kayo?”
“May ibibigay ka ba sa kanya sa graduation?”
“Alam na ba niya? Sasabihin mo na ba?”
Give short answers. Change topic.
Pinapaulit-ulit mo sa akin na mahalaga sa’yo yung pagkakaibigan natin. Na ayaw mong magbago yung samahan natin. Ako rin naman. Pero… minsan iniisip ko, patay malisya ka na lang rin siguro.
Graduation.
Pumalakpak ako ng malakas nung tinawag ang pangalan mo. Proud na proud ako sa’yo nang sabitan ka ng medal, nang banggitin lahat ng nakuha mong awards.
Niyakap kita ng mahigpit pagkatapos ng programa. Nag-congratulate at nagpasalamat para sa lahat lahat. Bago ka tawagin ng magulang mo, inisip ko nang sabihin sa’yo pero…
“Nabati mo na ba siya? Anong sinabi mo sa kanya?”
Nawala na naman ang lakas ng loob ko. Nagdalawang isip na naman ako.
"Kaya nga’t sabihin mo na…"
Graduation Ball.
Last song.
Ikaw ang niyaya ko.
Pumayag ka pero natatawa mong tinanong, “Bakit ako ang last dance mo?” tanong mo.
“Tinatanong mo ba talaga yan?” sagot ko.
“Hahaha. Hindi ba dapat siya? Ang torpe mo talaga.”
Oo, torpe ako.
Dahil hindi ko alam kung paano sasabihin sa’yo na ikaw talaga ang gusto ko.
*Inspired by MYMP's Torpe Song
0 comments: