admin,

Literary: Ang Misteryo ng Admin Office

3/18/2014 09:25:00 PM Media Center 1 Comments

Papasok na dapat ako ng Admin Office para bumili ng bluebook pero bago pa man ako makadaan sa pintuan, hinarangan na ako ng isang janitor.  Bawal raw pumasok ang mga estudyante doon. Tinanong ko kung bakit pero tinanggihan akong bigyan ng sagot.

Iniisip ko kung paano ako makakapag-quiz sa Bio ngayong wala akong susulatan. Nagtitinda sila ng bluebook pero bawal pumasok. Nagtaka ako kung anong mayroon doon. Bakit bawal ang estudyante sa parteng iyon ng paaralan.

Kumalat ang mga bulung-bulungan. “Halimaw! Halimaw,” tinatago raw nila sa paaralan. Sabi naman ng iba, sa office raw ay may mga alipin at mga droga. Kuwento pa ng ilan, doon daw naninirahan ang totoong Lorna.

Kaya isang gabi’y pumasok ako nang walang nakakaalam. Bawat yapak ay dahan-dahan. Tingin dito, lingon doon… Isa-isa kong binuksan ang mga pintuang gumagawa ng maingay na tunog sa nakakabinging katahimikan. Wala, walang kababalaghan sa aking mga dinaanan… liban sa isa. Isang kuwartong nakasara. Naglakad ako palapit roon at dahan-dahan kong inabot ang aking kamay sa doorknob. Nasa akin na ang pagkakataong malaman kung ano ang nasa loob nang bigla ng may sumigaw ng “HOY, BA’T KA NANDITO?!”. Dali-dali akong tumakbo palayo at hindi kailanman lumingon. Napakabilis ng tibok ng aking puso pero mas matulin pa ang takbo ng humahabol sa akin. Pero nauna ako at nakatakas. Ligtas ako ngayon.

Sa susunod na flag ceremony, binanggit ng isang guro ang tungkol sa isang taong pumasok sa Admin Office isang gabi. “Wag niyo na ulit susubuking pumasok doon,” ang eksaktong mga sinabi niya. May nagtanong, “Sir, bakit ng aba bawal ang estudyante doon?” Walang binigay na sagot ang guro kaya mas naging determinado akong makapasok at malaman kung ano ang tinatago nila doon. May tinatago ba ang office sa amin? Naubos na ang brain cells ko kakaisip.

Nagpagabi ako muli sa eskwelahan at sinubukang tiyempuhan ang pag-alis ng mga janitor na nagbabantay. Pumasok ako at tulad ng huling beses na ako’y pumasok, normal pa rin ang kapaligiran. Nakita ko ang nakasaradong pintuan at natukso ako muling pasukin iyon.

Palapit ako ng palapit at bumilis ng tibok ng puso ko. Inisip ko kung totoo kayang may halimaw doon o kaya mga nakatagong bangkay ng mga tao. Hinanda ko na ang aking sarili sa aking matutuklasan nang muli kong hinawakan ang doorknob. “Posible kayang ‘di ako makalabas ng school ng buhay?” Tanong ko sa aking sarili. Sa pagkakataong ito, sinugurado ko nang walang makakakita sa akin.

Nagpunas ng pawis, nagsuot ng gloves at inabot muli ang doorknob. Unti-unti itong inikot at binuksan ang pintuan. Madilim… Pumasok ako nang walang nakikita, hindi ko mahanap ang light switch. Binuksan ko ang flashlight ko at nakita ko ang isang table!! Naka-imprenta sa isang gintong plaka ang pangalan ni Maam Ruph. Mayroong note sa mesa niya… Laking gulat ko nang makita ang mga salita:


“Huwag papasukin ang mga estudyante sa Admin Office, madumi ang sapatos nila.” 

ni Jordan Grefal at Bertram Matabang

You Might Also Like

1 comment: