filipino,

Literary (Submission): Tibok ng Puso, Takbo ng Isip

2/04/2015 07:51:00 PM Media Center 0 Comments


Marami nang araw ang dumaan,
Ngunit ako’y nalilito pa rin.
Lumipad na ang isip kung saan-saan,
Hindi pa rin malaman ang gagawin.

Parang may kulang pa.
Parang may nawawala pa.
Hindi ko malaman kung ano
Ang sa akin ay tunay na magpapasaya.

Sa isip ko’y ikaw na ang kukumpleto sa buhay.
Maraming gustong gawin at sabihin
Na maglalapit sa atin.
Ngunit paano?
Kung napakalayo mo.

Palagi kang abala,
Sa iba’t ibang mga bagay.
At di ko gusto ang makaistorbo pa,
Kaya ninais na lang na maghintay.

Naghihintay ng pagkakataon,
Na ikaw ay makasama.
Maging masaya ang araw na kapiling ka,
Ay aking ikaliligaya.

Natatakot ako,
Sa maaaring maging resulta
Ng mga gagawin ko
Baka mauwi lamang ito sa pagluha.

Gulong-gulo ang isip ko,
Bakit ako nagkakaganito?
Bumibilis ang tibok ng puso ko,
Na parang gustong tumakbo papalayo.

Ngunit saan na ako pupunta
Kung ang mundo ko’y umiikot lang sa’yo?
Hindi ko na magagawang makapagtago pa
Masaktan man itong puso ko.

Sa ngayon ito lang ang aking alam,
Ikaw ang pinakamagandang babaeng nakilala ko.
Pangarap ka na aking inaasam,
Ikaw lang ang sinisigaw at tinitibok nitong puso ko.


Maraming kailangang gawin,
Maraming kailangang tapusin,
Aral dito, aral doon,
‘Yan ang buhay ko ngayon.

Tuwing walang gagawin,
Wala namang ibang iniisip.
Kundi ang makausap ka,
Ikaw at wala nang iba pa.

Bakit ka nalilito?
Ako nama’y naririto,
Naghihintay lang din ako,
Naghihintay sa paglapit mo.

Bakit ka naman natatakot?
Hindi ko naman magagawang saktan ka.
Ikaw na siyang laging nariyan,
Nakikinig sa aking mga kalokohan.

Marami pa namang panahon
Upag makapag-usap,
Marami pang pagkakataon,
Marami pa, sa hinaharap.

Hindi ka na makakapagtago
Pagkat nandito ka na sa aking isip
Dahilan ng mga gabing napupuyat,
At laman ng ilang mga panaginip.

Gulong-gulo na rin ako,
Tulala na’t tuliro.
Lumilipad na rin ang isip,
Nananaginip nang gising.

Kung araw na iyon ay darating,
Hindi na malalaman ang gagawin.
Siguro’y lalong magugulo,
Ang takbo ng isip ko.

Takbo’y patungo sa iyo,
Wala na yatang makapipigil pa rito.
Pagkat ito lang din ang alam ko,

Ikaw ang pinakamatinong lalaking nakilala ko.

You Might Also Like

0 comments: