emanon,

Literary: Huling Tulang Isusulat Para Sa Iyo

1/26/2018 08:16:00 PM Media Center 0 Comments





Nagsawa--
Nagsawa na ang pusong ito
Sa pagtibok para sa iyo,
Sa paghabol sa mga bagay na hindi sigurado,
Sa pag-asang mapagtatagpi-tagpi pa muli
Ang bawat pahina ng pagmamahalang iniwan natin--
Iniwan mo, sa akin--
Sapagkat ako na lamang yata
Ang nag-iisang tanga na patuloy na umaasang,
Kung hindi man maibalik ang dati
Ay sana maisara na ang libro
Nitong pag-iibigan natin--

Natin--
Nakakatawang isipin,
Hanggang ngayo'y itinuturing ko itong atin,
Kahit na malinaw pa sa sikat ng araw
Na ako na lang ang patuloy na kumakapit
Sa mga pirasong ito--
Punit-punit,
Halatang walang pag-asang mapagkabit-kabit.
Habang ikaw--

Ikaw--
Na nasalba mula sa pagkaligaw
Dulot ng naudlot na istorya nating dalawa.
Ikaw na masaya, maligaya
Ngayon, sa piling ng iba.
Habang ako,
Ako na naghahanap ng magliligtas,
Ako na naghahanap pa rin ng wakas
Sa libro nitong pag-iibigan nating
Iniwan mong bukas--

Bukas--
Isa na namang araw ang aking gugugulin.
Itatatak sa puso at isip na wala ka na sa akin.
Kung ganoon lang sana kadali
Na ako na lang ang tumapos,
Na ako na lang ang umayos,
Subalit hindi, hindi maari,
Dahil tayong dalawa ang lumikha nito
At hindi maaring ang tayo
Ay matapos lamang sa akin--

Akin--
Wala na nga palang akin.
Ano pa ang ipinaglalaban,
Ipinagsisigawan,
Ng mga damdaming lipas na ang hangarin.
Siguro'y panahon na para hayaan
Na ako na lamang mag-isa
Ang magwakas,
Ang sa akdang ito'y magsara
Dahil bumalik ka man,
Hindi naman na maayos pa
Ang isang librong sirang-sira--

Sira--
Heto ngayon ako, sira
Subalit sa pagdedesisyong
Bumitaw na at maging malaya,
Muli akong babangon
Mula sa aking pagkadapa.
Bubuo ako ng bagong istorya.
Tatalikuran na ang mga pirasong pilit inayos.
At kung sakali mang iyong balikan
Itong kuwentong nauna mo nang lisan,
Sa mga dulong pahina,
Ang tulang ito'y aking iiwan--

Iiwan--
Isang tula mula sa taong iyong iniwan,
Isang tulang sa lahat ay magwawakas,
Isang tulang magsisilbing pahimakas.
Napagod na ako't tuluyang natuto.
Kaya dito,
Sa aking tuluyang pag-alpas,
Nais kong malaman mo,
Ito na ang huling tulang isinulat ko
Para sa iyo.

You Might Also Like

0 comments: