abby lim,
UPIS, muling pinailawan ang UP Academic Oval
Punong Makapagpapalaya. Puno ng UPIS na nagsisimbolo ng kalayaan sa pag-aaral. Photo credit : Magan Basilio
Muling nagsilbing-ilaw sa Lantern Parade ang University of the Philippines Integrated School (UPIS) kasama ang iba pang departamento at kolehiyo ng UP paikot ng Academic Oval, noong Disyembre 13, 2019.
Sa taunang Lantern Parade, ipinaparada ng mga mag-aaral, guro, at mga kawani mula sa iba’t ibang departamento ng UP ang kani-kanilang mga gawang parol. Ang tema ngayong taon ay ‘Pumailanlang’ na may kinalaman sa paglaya sa mga problema ng bansa.
Nagsimula ang parada ng 5:30 ng hapon sa Vargas Museum. Nagtapos ito sa ganap na 10:30 ng gabi sa UP Amphitheatre kung saan idinaos ang programa.
Sumali bilang isang kalahok ang UPIS, National Institute for Science and Mathematics Education Development (NISMED), at College of Education. Binigyang-kahulugan nila ang tema bilang pagbibigay-daan ng pag-aaral sa kalayaan o “paglipad”.
Nagsimula ang paghahanda ng UPIS, NISMED, at College of Education pagsapit pa lamang ng Nobyembre. Kumuha ang Pamunuan ng Kamag-Aral (PKA) ng mga kinatawan mula sa bawat batch ng UPIS 7-12 upang tumulong sa paghahanda.
Sa kinalabasang parol, makikita ang isang libro na may puno sa gitna. Makikita rin na may mga bunga ang puno. Sinisimbolo ng mga bungang ito ang pagsisimula ng paglaya sa mga nararanasan ng bansa sa pamamagitan ng edukasyon.
Lumahok at dumalo nang may galak ang mga mag-aaral sa parada.
“[...] nakakatuwa rin po makita yung pag-participate ng mga estudyante. Nairaos din naman po sa huli!” pahayag ni Danie Cabrera, presidente ng PKA 7-12, matapos tanungin kung sulit ba ang paghahanda at pagdalo sa naganap na Lantern Parade. //ni Abby Lim
0 comments: