filipino,

Literary: Puppy Love

7/30/2014 08:33:00 PM Media Center 0 Comments

Alam mo, nakakainis ka. Ang hilig mo mang-asar. Palagi mo na lang akong tinatawag na Duwende, o kaya Chinese, o kaya Sadako, o di kaya naman ay Duwendeng Sadako mula sa China. Nakakainis, akala mo perpekto ka. Ikaw nga itong tumatawa na lang bigla kahit walang nakakatawa. Natatawa rin naman ako kasi bungal ka! Tapos nasa isip mo puro Pokemon, Ninja Saga, Yu-Gi-Oh, Double Cell at iba pang laro na hindi ko maintindihan. Mag-aapir lang tapos sisigaw tapos magtititigan kayo ng kalaro mo. Laro na ba yun? Paano naging laro yun?

At ang pinaka-ayaw kong ginagawa mo, e yung pagkatapos mo akong asarin, manghihiram ka ng lapis sa akin! Kung minsan pa nga hindi mo ibabalik yung hiniram mo o kaya may kagat na yung pambura!

Pero natutuwa ako kasi kaklase kita ngayong Grade 3. Ewan ko ba pero hindi mo naman kasinggwapo si Zac Efron, si Adam Levine, si Andrew Garfield, o kaya si Daniel Padilla.

Ang weirdo mo… at iyon ang nagustuhan ko sa’yo.

-----

Hindi ko talaga mapigil yung pang-aasar ko sa’yo. Ang saya mo kasing asarin eh. Pandak ka, singkit, tapos ang haba pa ng buhok mo, tapos parang mamon ang pisngi mo. Para kang Dwendeng Sadako mula sa China. Minsan nga ‘pag nakikita kita, tumatawa na lang akong bigla.

Pero sa totoo lang ang galing mong maglaro ng Nanay-Tatay, Jackstone, lalo na sa Chinese Garter! Mataas pala tumalon ang mga pandak!

Tapos mahal na mahal mo yung mga lapis #2 mo, minsan nga hinihiram ko pa yung iba doon, at hindi ko na talaga ibabalik.

Tuwang-tuwa ako kasi kaklase kita ngayong Grade 3.

Gustong-gusto kong asarin ka. Doon mo lang kasi ako napapansin eh. Aasarin kita, magagalit ka, sisigaw, tapos hahabulin mo ako.

Kahit madali kang mapikon… ang cute mo pa rin! / ni Squishy

You Might Also Like

0 comments: