arrozcaldo,

Literary: Isang Dekada

7/30/2014 08:26:00 PM Media Center 0 Comments

Sa loob ng isang dekada, ika’y aking hinangaan

Kinder. Practice ng recognition. Doon kita unang nakita. Hindi ko alam kung bakit o paano kita hinangaan. Basta alam ko ikaw na yun.

Sa loob ng isang dekada, ako’y iyong napasaya

Kahit hindi mo alam, napasaya mo ako. Sa simpleng pakikipag-usap, sa isang sayaw na ginawa mong katatawanan, pati na rin sa pagsama mo sa akin at paghahatid pauwi. Alam kong lahat ng iyon ay walang halaga para sa’yo. Pero para sa akin, ibang klaseng kasiyahan ang aking naramdaman.

Sa loob ng isang dekada, ika’y aking hinabol

Hindi man halata pero oo, sinubukan kitang habulin, kahit imposibleng maabutan kita. Kahit na alam kong may iba kang hinahangaan. Kahit na halatang wala akong pag-asa. Pero patuloy akong umasa. Nagpaka-baliw ako para mapansin mo ako. Para magkaroon ako ng rason upang magkasama tayo, kahit saglit lang. Maniwala ka kung sasabihin ko sa’yo na ginawa ko ang lahat.

Sa loob ng isang dekada, ako’y iyong pinagtiyagaan

Sa lahat ng pamimilit ko, um-oo ka. Sa mga pakiusap ko, pinagbigyan mo ako kahit minsan alam ko, nararamdaman kong napipilitan ka. Pero kahit ganun, sinusubukan mo pa ring mag-enjoy kasama ako.

Ngunit sa loob rin ng isang dekada, ako’y nabigo

Kung tutuusin, wala rin naman akong napala, dahil sa simula pa lang, wala naman itong patutunguhan. Nagmukha lang akong tanga. Hindi ko rin naman nasabi sa’yo ang nararamdaman ko, nagulat ako nang malaman kong alam mo na. Matagal na pala. Pero nakakainis, ni-reject mo ako nang hindi ka nagsasalita o nagsasabi man lang. Ang masakit, ipinaramdam mo talagang napipilitan ka lang na pakisamahan ako.

Pero kahit na ganun, lagpas pa sa isang dekada ang pagpapasalamat ko sa’yo

Salamat sa lahat. Ang dami kong naging bagong karanasan dahil sa’yo. Salamat sa pagpapasaya sa akin, sa pagpapatawa, sa mga pagkakataong nagkasama tayo. Ngayong wala ka na, sinusubukan kong kalimutan ang lahat. Pero hinding-hindi ko makakalimutan yung mga panahong iyon. Kaya salamat.

Maraming, maraming salamat sa isang dekada.

/ ni Arrozcaldo

You Might Also Like

0 comments: