bianca pio,

Feature: Sa Ilalim ng Ating mga Paa

7/28/2012 08:20:00 PM Media Center 0 Comments

Umiiyak na kaluluwa. Sumisigaw na mga bata. Lumulutang na mga paa.

Ito ang madalas naikukwento kaugnay ng UPIS basement. Waring isa na itong abandunadong lugar. Ngunit, ano nga ba ang naging gamit ng basement bago ito naging paksa para sa istoryang pangkatatakutan ng mga estudyante ng UPIS?

Alam niyo ba na ang basement ay naging tambayan ng mga mag-aaral ng UPIS? Ang bawat batch ay may kani-kanilang pwesto sa basement upang maging tambayan. Ngunit bago makapasok o makaalis, ang bawat estudyante ay kailangan pumirma sa isang logbook.

Mayroon ditong 300 na lockers. Bago makakuha ng sariling locker, kailangan munang punan ng isang estudyante ang isang form na nagsasabi ng rason ng pagkuha nito. Nakalaan ang isang daang lockers para sa mga varsity players. Aaprubahan ito ng Student Association saka magbabayad ng P5 hanggang P15 bawat semester.

Matatagpuan din dito ang “Manet’s Small Canteen” na katulad ng kay Aling Norms ngayon. Nagbalak rin silang magtayo ng “mini bookstore” kung saan maaaring makabili ang mga estudyante na kanilang mga materyales.

Ginawa ang mga ito upang magkaroon ng seguridad ang mga estudyante at maiwasan ang nakawan ng mga gamit. Dahil din dito, nagkakasama-sama ang mga mag-aaral ng UPIS.

Ngunit dahil madaling bahain at panirahan ng mga ahas at iba pang mga peste, kinailangan itong ipasara.

Hindi lang mga multo at ligaw na kaluluwa ang namamahay sa basement. Minsan din tong naging tirahan ng mga buhay na buhay at masasayang mga estudyante. Hindi man ito napupuntahan sa ngayon, nakadagdag naman ito sa ibang kuwentong UPIS. ● nina Sandy de la Paz, Hannah Garay, at Bianca Pio

You Might Also Like

0 comments: