filipino,

Literary: Sana Hindi Na Lang

7/16/2012 08:33:00 PM Media Center 4 Comments

Maagang natapos ang aming klase kaya naman nagpasya akong pumunta muna sa library upang tumambay at gumawa ng mga takdang-aralin. Gaya ng kinagawian, ibinaba ko muna ang aking mga gamit at naghanap ng aking mga kakailanganin. Sa aking pagmamadali, hindi ko namalayang may lalaki palang naka-itim na jacket na natutulog sa pagitan ng mga estante kasama ng mga libro. Ang mahinang ingay ng aking mga hakbang ang gumising sa kanya. Sa kanyang pagdilat nakita ko ang kanyang nagniningning na mga mata. Ang mga ito'y bumabagay sa kanyang makinis na mukha at mapupulang labi.

Matapos ang ilang sandaling pagkatulala, muli akong bumalik sa aking kinauupuan. Mula roon, hindi ko maiwasang hindi tumingin sa kanyang natutulog na mukha. Nakasandal siya sa isang estante at siya'y nakahalukipkip.


Mula noon ay nagpasya akong tumambay sa loob ng library tuwing matatapos ang klase. Ang kaunting tingin lang sa kanya ay nakapagpapasaya na sa akin. Hindi makukumpleto ang aking araw kapag hindi ko siya nasusulyapan. Minsan nga, napapangiti na lang ako mag-isa tuwing naaalala ko siya.
Ngunit isang araw, pagpasok ko sa loob ng library ay nakita ko siyang nakaupo sa pwestong madalas kong upuan kaya umupo na lang ako sa kaharap na mesa nito.

Nagkatinginan kami. Ngumiti siya sa aking direksyon at sa sobrang saya ay ibinalik ko ang kanyang mga ngiti. Sa loob loob ko, "OMG. NAG-SMILE SIYA SAKIN JALFSJLFAFSLKFAFSALDAGHAOFKASDA AYOKO NA, GRABE LANG. ANG GANDA NG NGITI NIYA. ANG GANDA NG MATA NIYA. ANG PERFECT NIYA LANG AJGKADJFAFJSLKAFDA" Gusto ko nang isigaw ang lahat...

"Tignan mo oh, diba ito yung paborito mong libro?" ang maikling pahayag na ito ang nagpabalik sa akin sa realidad. Agad kong hinanap ang pinanggalingan ng tinig na iyon. Napagtanto ko na ito'y nanggaling sa babaeng aking nasa likuran. Uh-oh, siya pala ang nginitian, akala ko naman ako. Masyado kasi akong assuming eh. Akala ko pa naman ayun na, malapit na kaming magkakilala.

Tumayo siya at hinawakan ang kamay ng babae. Magka-holding hands silang lumabas ng library at kitang-kita ko sa kanyang mga ngiti na masaya siya kasama ang babaeng iyon. Nagtatawanan at nagkukulitan silang lumabas at naiwan ako sa loob ng library mag-isa.

Eto ang mahirap eh, yung hanggang tingin ka lang, yung wala kang magawa... ni hindi ko nga nahingi ang kanyang pangalan. Ni hindi ko nga siya malapitan eh. Hay naku, wala, ayoko na. Palabas na ako ng library nang bigla kong naalala ang itim niyang jacket at mala-anghel niyang mukha. Tumulo ang aking luha at nanghina ang aking katawan. Hindi ko na muling naramdaman ang naramdaman ko noong una ko siyang nakita. ● by "Him"

You Might Also Like

4 comments: