3-10,

Araling Panlipunan, nagbago ng kurikulum

7/28/2012 08:04:00 PM Media Center 0 Comments

Ipinatupad ng Departamento ng Araling Panlipunan ang bago nitong kurikulum mula grado 3 hanggang sa grado 10 para sa akademikong taon 2012-2013.

Alinsunod sa programang K+12 ng pamahalaan, napagdesisyunan ng kaguruan ng departamento na ipatupad agad ang nirebisang kurikulum ng Araling Panlipunan.

Ayon kay Prop. Czarina Agcaoili, ang Puno ng Departamento ng Araling Panlipunan, layunin ng bagong kurikulum na sanaying mag-isip at maging mapanuri sa mga historikal na datos at mga isyung panlipunan ang mga mag-aaral habang bata pa.


Ang kurikulum ng grado tatlo na dati’y introduksyon lamang sa heograpiya at kasaysayan ng Pilipinas ay mas nakatuon sa pagkilala sa kani-kanilang mga rehiyong pinanggalingan, partikular na sa National Capital Region o ang NCR.

Napapaloob pa rin sa ika-apat na grado ang heograpiya ng Pilipinas, ngunit hindi lamang ito pagkilala sa mapa, kundi naglalayon itong makilala ng mga bata ang iba’t ibang mga komunidad at rehiyon sa Pilipinas. Ninanais ng pagbabagong ito na mabawasan ang kaisipang “palabas” ng mga Pilipino at mahikayat na manatili ang mga ito sa bansang pinanggalingan nila.

Sisimulan ang pormal na pag-aaral ng kasaysayan ng Pilipinas sa ika-lima at ika-anim na grado. Nahahati ito sa dalawang yugto, simula sa pagkabuo ng kapuluan ng Pilipinas hanggang sa paglaya ng bansa mula sa mga Kastila na tatalakayin sa ika-limang grado at itutuloy sa ika-anim na grado mula sa paglaya ng mga Pilipino sa Kastila hanggang sa kaslukuyang panahon. Matapos naman ang pag-aaral tungkol sa kasaysayan ng Pilipinas sa grado pito kung saan tuturuan ang mga estudyante na sumuri ng mga dokumento at mga kaganapang pangkasaysayan ng Pilipinas.

Nariyan pa rin ang pag-aaral tungkol sa ‘Kasaysayan ng Asya’ sa grado walo at ‘Pandaigdigang Kasaysayan’ para sa grado siyam. Ito ay halos kaparehas rin ng dating kurikulum ngunit mas mahahasa ang “critical thinking skills” gamit ang pag-aanalisa ng mga datos galing sa “primary sources”.

Ang Ekonomiks naman sa grado sampu ay hindi naiba ngunit mas uunahin ang mga leksyon na mayroong importansya sa buhay ng isang estudyante sa hayskul at kaagad-agad nilang magagamit gaya ng Personal Finance.

Ang iba ring departamento ng UPIS ay nagrebisa ng kani-kanilang mga kurikulum. Kabilang dito ang Departamento ng Sining Komunikasyon sa Filipino at ang Departamento ng Sining Komunikasyon sa Ingles. ● nina Paolo Aljibe, Sandy de la Paz, Miguel Flores, at Arielle Gabriel

You Might Also Like

0 comments: