bahaghari,

Literary: Kailanman

10/16/2015 08:28:00 PM Media Center 0 Comments



Dumating
Nahuhumaling ako sa iyo.
Sa kung paanong tayo ay pinagtagpo.
Minulat mong muli ang nakapikit kong isip
At dahan-dahan na ginising
Ang aking damdaming payapang nahihimbing
Mula sa higaan na puno ng masidhing nakaraan.

Inibig
Nabighani ako sa iyong pagkatao.
Habang banayad kong pinagmamasdan
Ang pagsabay ng iyong buhok sa ihip ng hangin,
Tila tumitigil ang pagtakbo ng oras
At tinatangay ako sa iyong marahuyong daigdig
Kung saan ikaw lamang ang aking paraluman.

Lumisan
Nabihag ako sa iyong kariktan,
Ng iyong mapagbalatkayong ngiti
Na walang ibang bulong kundi matatamis na salita
Pilit na tinatakluban ang malalamyang mga labi.
Ngunit, sinasambit ng iyong mga mata
Ang mapanglaw na katotohanan.

Nanabik
Nasadlak ako sa iyong pag-alis.
Sa kung paanong napunta ang lahat sa wala.
At kahit matagal na ang panahong lumipas
Ako ay patuloy pa ring nananahan
Sa panaginip kung saan ikaw ang laman,
Patuloy na umaasang ika'y magbabalik.

Mananatili
At sa bawat alaalang dumadaluyong, naiisip kita.
Habang ginugunita ang ating naging pagsinta,
Bumabalik ako sa umpisa noong una kitang nakilala.
Kahit na tuluyan ka nang pumatda
Dala ang lampiang minsan kong sinandalan,
Sa aking puso, ikaw ay hindi mawawala.

You Might Also Like

0 comments: