dear seatmate,

Literary (Submission): Dear Seatmate...

8/21/2014 08:13:00 PM Media Center 0 Comments

Tatlong taon na tayong magkaklase pero ‘di ko alam kung sadya ba to, tadhana, o ewan lang. Iniisip ko na lang- siguro may dahilan din ang lahat nang ito. Siguro kakampi ko lang talaga si kapalaran kasi parang kahit anong iwas ang gawin ko, natatagpuan ko pa rin ang sarili ko sa tabi mo. Hindi ko alam kung sadyang palabiro ang tadhana pero literal kong nakikita ang sarili ko na katabi ka.

Sa tatlong taong iyon, seatmate mo na ako nang pagkatagal-tagal na panahon pero di mo pa rin ako napapansin. Maliban doon, madalas pa kitang nagiging kagrupo. Bakit kahit anong gawin kong iwas talagang nagkukrus ang mga landas natin? Close na nga tayo. Naging maging kaibigan na nga tayo. Ito siguro ang dahilan kaya di ko magawang aminin sa’yo ang nararamdaman ko. May takot sa puso kong baka ipagtabuyan mo ko. O kaya maging awkward tayo kapag nalaman mo.

Tatlong taon na tayong magkasama. Pero ngayon ko lang aaminin sa sarili ko na masakit para sa’kin na makita kang nakatingin sa malayo, hinahanap yung makapagpapasaya sa’yo. Ngayon ko lang aaminin na nasasaktan ako sa katotohanan na nandito lang ako sa kabilang upuan at naghihintay ng pagkakataong masabi sa iyong “Kung puede lang maibalik ang dati...kung puede lang. Puede pa ba?” Gustong-gusto ko talagang aminin sa’yo ang mga salitang iyon. Kaso kapag nandiyan ka hindi ko na alam. Talagang umuurong ang dila ko. Hindi ko mabitiwan ang katanungan na iyon.

Kasama mo na ako nang matagal kaya siguro di ka na maniniwala sa mga pinagsasabi ko. Pero totoo yan. Alam kong may iba ka nang gusto ngayon. Naisip ko tuloy na di naman patas kung ipagsisiksikan ko pa ang sarili ko sa'yo. Ang masakit, minsan di ko pa rin maialis sa isipan ko kung anong saya ang kaya kong ibigay sa’yo kapag ako pinili mo. Nitong huli, naisip kong bigyan ka ng munting handog bago tayo mag-UPCAT. Hanggang plano na lang ako dahil nung nasa harap na kita hanggang titig na lang ako. Wala na akong nagawa. Nakikita ko ang sarili ko bilang stalker mo. Minsan kasi chinecheck ko pa ang twitter mo para lang tignan kung okay ka. Kung masaya ka. Kung may problema ka. O, kung ano nang nangyayari sa’yo. Hindi ko na rin maintindihan ang sarili ko dahil ang dami ko nang screenshots ng mga tweets mo e :p.

Tatlong taon na kitang kasama pero hanggang ngayon, di ko kayang ipagtapat sa’yo. Nauutal ako kapag nasa harap na kita. Di ko alam kung bakit hindi ko masabi sa’yo ‘yung tunay kong nararamdaman.

Huling taon na kitang makakasama. Hanggang asar na nga lang siguro ako sa’yo. Umaasang sa pang-aasar ko’y mararamdaman mo ang tunay kong damdamin. Umaasang may aasar din sa’kin sa’yo para lang kiligin ako. Nanghihinayang ako. Nalalaman ko kasi sa sarili ko na ikaw ang gusto ko. Na bagay raw tayo sabi ng lahat :D. Para mapansin mo ako pati ang ibang may gusto sa’yo tinutulungan ko na. Iniisip ko kasi at least baka sila mas may chance kaysa sa’kin. Aamin din naman ako sa’yo. Sa prom? O sa grad ball? Kung masawi man ako’t tanggihan mo tapos na ang lahat.

Hindi ko alam kung magkakagusto ka pa ulit sa akin. Tanggap ko na yung lugar ko sa puso mo- isang malapit na kaibigan na lang. At kahit pa siguro mag-effort akong iparamdam sa’yo na higit pa dun ‘yung tingin ko sa’yo.. baka ma-misinterpret mo lang bilang isang act of friendship.
Susulitin ko na lang siguro itong huling taong katabi kita... huling taong seatmate mo ako. Itong huling taong kasama kita..

Love,
Seatmate

You Might Also Like

0 comments: