chapter 3,

Pusong Bato (Ikatlong Sagutan)

2/06/2014 08:45:00 PM Media Center 3 Comments

Ang Pusong Bato ay kuwentong binuo, sinulat at pinaghirapan ng Media Center 2 2014 staff bilang kanilang creative writing project ngayong semestre.

Ang mga tauhan at mga pangyayari ay pawang kathang isip lamang, hindi hango sa tunay na buhay o karanasan. Ang anumang pagkakahawig sa tunay na buhay ay nagkataon lamang at hindi sinasadya. Walang bahagi ng kuwentong ito ang maaring ilathala at gamitin sa anumang paraan nang walang pahintulot ng may-akda.


-----


Dec. 4
2:52 n.h.

Ms. Natalie,

Magandang hapon. Matagal na rin tayong hindi nakapag-usap kaya ipagpaumanhin mo ang mahaba kong sulat sa iyo ngayon.

Unang-una, patawad at hindi ako nakasagot sa sulat mo noong nakaraang buwan. Naging busy kasi ako sa trabaho ko bilang KA. Magpapasalamat na rin ako dahil kahit na basura para sa iyo ang mga sulat ko, sinusulatan mo ako pabalik hehehe. Pangalawa, paanong naging cute ang locker mo; lahat naman kulay gray. Pangatlo, gusto kong sabihin na natutuwa ako at nakita kita kahapon sa flag ceremony! Tunay ngang may mga milagro sa buwan ng pagdiriwang ng kapanganakan ni Hesus! Matanong ko lang, narinig mo ba ang bagong anunsyo? Sinasabing bawal lumabas-masok sa gitnang gate. Isinasara ito at may padlock pero hindi naka-lock. Ito ay para sa emergency situations lamang daw.

Ang problema, kani-kanina lamang ay nasaksihan ko na naman ang isang krimen… Bukas na bukas ang gate na ito, at ang padlock ay parang basta na lang iniwan sa lupa. May nalalaman ka ba sa pangyayaring ito? May nakita ka bang lumabag ng patakaran?

Manuel

-----
Dec. 5
1:38 n.h.

Misterrr Manuel,

Ser boss chief, ano naman itong eksena mo sa papel? Hindi ka pa ba napapagooooood? Isa pa, bakit kapag may masamang nangyayari, sa akin ka agad magtatanong? Linawin muna natin mister ha, hindi po tayo pen pal.

Oo, nakinig po ako nang mabuti sa anunsyo. Nakakainis nga at biglang isinara ang gate na iyon. Malabo sila eh, hindi ko maintindihan kung paano naging security security chorva ‘yan. Emergency situations? Eh paano kapag huli na ako sa klase ko? Pag mamamatay na ako sa uhaw? Hindi ba emergency iyon? Kailangan ko pa bang umikot para lang pumasok sa building? Para lang makainom? Paano ‘pag biglang nagkasunog at iyon ang pinakamalapit na pinto sa mga rooms? Ayun, emergency talaga, pero my goodness sisigaw pa ako ng “kuya, kuya asan ‘yung anak ng tinapang susi ng padlock na’to???”, para lang makalabas? Pinagloloko na tayo niyan eh. Nakakainis.

PERO PERO PERO… wala po, wala po akong nalalaman sa bukas na gate na ‘yan. Isa lang akong concerned student. 0:---)

Natalie

-----

Dec. 6
2:25 n.h.

Bb. Natalie,

Wala ka nga ba talagang nalalaman tungkol dito? Wala ka rin bang naaalala kanina? Hindi naman sa pinagbibintangan kita, ha? Ngayong tanghali lang kasi ay may nakita akong kamukha mo na nagbukas ng gate. (Oo, hindi ko malilimutan ang pagmumukha mo. Malinaw pa sa akin ang memorya ng pagnguya mo ng Rodic’s.) Kamukhang-kamukha mo talaga. May kambal ka ba?

Nasagi pa nga ako ng babaeng ito sa may hagdan. Nagmamadali siya paakyat pero nagawa pa niyang irapan ako. Nalaglag ang kanyang ID at kasalukuyang nasa akin ito ngayon. Aba’y kapangalan mo rin siya! Maaari mo bang masabi sa iyong kambal na baka ngayon ay mabigyan siya ng pink slip dahil ipararating ko na ito agad sa adviser niya.

Manuel

-----

Dec. 6
3:17 n.h.

G. Manuel,

Unang-una, wala akong kakambal. Itigil mo na ‘yang panunuya mo. Sige na po, sige na po aamin na ako. Ako ang nagbukas. O, masaya ka na? Forgive me po for I have sinned. Anong penitensya ang kailangan, sabihin mo lang po. Makakaasa po kayong isang dosenang itlog ang iaalay ko sa KA room niyo bukas na bukas din. O kaya baka may prayer request ka. Ako na ang magdarasal para sa’yo.

Pangalawa, wala akong nasagi kanina. Huwag ka nang bumuo-buo pa ng kuwento please. Saan mo ba napulot ang ID ko? Pwedeng pakibalik kaagad? Magkita tayo mamaya at isabay mo na rin iyang pink slip na ipinagmamalaki mo. Hindi naman ako natatakot sa papel na walang bisa. Marami ako niyan, isang pad!

Natalie

-----

Dec. 6
4:00 n.h.

Natalie,

Hindi ko rin alam kung bakit bawal pumasok sa ENTRANCE. Pero ang alam ko iniisip lang ng school ang kaligtasan nating mga estudyante. Hindi naman nila ito ipatutupad kung alam nilang makasasama ito sa atin.

Sa ngayon ang alam ko lang ay may nilabag kang tuntunin. Hindi ko ito puedeng palagpasin. Sasabihin ko ito sa adviser mo. Hindi kita bibigyan ng pink slip dahil hindi naman ako puedeng magbigay n’on. Pero kung gusto mo naman, gagawan na lang kita ng original slip. Ano bang favourite color mo?

Ipagpaumanhin mo ngunit ako ay may ibang aasikasuhin sa hapong ito. Ibabalik ko ang ID mo sa susunod na linggo. Ako’y tatambay lang sa gate na iyon upang madali mo akong makita, at baka sakaling makilala mo ang lalaking nagparaya sa mga kalokohang ginawa mo.

Manuel

-----

Dec. 10
9:42 n.u.

Manuel,

WOW, nagpaparaya! Big word! Iba ka na ngayon hahaha. Salamat at pinagbigyan mo ako, at salamat na rin sa pagbalik mo ng ID ko kanina, ngunit gusto kong malaman mo na nadidismaya ako sa ‘yo dahil hindi mo naman pala alam ang dahilan kung bakit may ganyang patakaran. Ang lakas ng loob mong pagsabihan ako noong nakaraang linggo. Hindi mo naman kayang ipaliwanag. Kung puwede, sa susunod na manenermon ka, siguraduhin mong alam mo ang lahat tungkol sa mga pinagsasabi mo.

Puede ba tigil-tigilan mo na yang pagkasumbungero mo. Gusto mo bigyan din kita ng pink slip dahil sumbong ka ng sumbong. Daig mo pa kinder.

Natalie

-----

Dec. 11
8:26 n.u.

Natalie,

Humihingi ako ng patawad at nakakadismaya ako para sa iyo. Aaralin natin ‘yang patakaran na ‘yan para sa ikabubuti nating dalawa. Ngunit ngayon ay sana lang kahit hindi mo pa lubos na naiintindihan ang isang bagay, sumunod ka pa rin dito. Uulitin ko, wala namang masamang binabalak ang paaralan sa iyo.

Manuel

P.S. Huwag mong gawing dahilan ang pink slip para lang makita ako ulit. Sabihin mo lang sa akin kung gusto mo akong Makita. Pagbibigyan naman kita.

-----

Dec. 11
12:15 n.t.

HOY MANUEL!

Mukha mo! Wag kang assuming plis. Guwapong-guwapo ka naman sa sarili mo. Ano ka trophy?

Natalie



ITUTULOY.

You Might Also Like

3 comments:

  1. Sana kaparehas ni ate Faye si Manuel :>

    ReplyDelete
  2. yang gate talaga, lagi na lang nakasara.

    ReplyDelete