filipino,

Literary: Bangungot?

10/25/2011 09:35:00 PM Media Center 6 Comments

Justin Dungo

Hindi lingid sa ating kaalaman
Na ang U.P. ay puno ng kababalaghan
Bilang patunay sa ganitong pangyayari
Gumawa ako ng tula, upang inyong mawari

Ang tulang ito ay isang kwento
Ng naranasan kong kababalaghan dito
Bago ninyo basahin, nais ko kayong balaan
Ang kwentong ito ay pawang katotohanan


Kailan 'to nangyari, di ko na maalala
Basta gabi noon, maliwanag ang mga tala
Madilim ang langit, at buwa'y nagliliwanag
Sa sobrang dilim, daa'y di ko na mabanaag

Katatapos ko lang noon magtraining
Nag-weights ako nun at nag-power lifting
Ako na lang mag-isa, wala na ang iba
Kaya ako ay nagmamadali at puno ng kaba

Nagmadali akong magbihis
Nagligpit ako agad ng mabilis
Dahil parang may nakatingin palagi sa likod ko
Nagmamasid, nakatitig, sinusundan ako

Sa una, 'di ko na lamang pinansin
Pero nakakailang, parang may nakatingin
Ngunit tuwing lilingon ako, wala naman
Sa isip ko, "Magpakita ka na, kung nasan ka man!"

Kaya di na ko nagsayang ng oras
Pagkabihis ko, kaagad akong lumabas
Nilock ko agad ang kwarto, at pagtingin ko sa daan
May babaeng nakagown na pangkasal... duguan.

Pumikit ako, dumilat, at nawala ung imahe
Sabi ko sa sarili, "Ano kaya yun? Bakit duguan yung babae?"
Kinilabutan ako, nakakapanindig balahibo
Hindi ako makagalaw, kahit gusto kong tumakbo

Natulala ako, nawalan ako ng lakas
Parang may nakayakap sa akin, at 'di ako makapiglas
Nagdasal ako, at pakiramdam ko'y gumaan
Nakagalaw na ko ulit, dasal lang pala ang kailangan

Naglakad na kong nanginginig ang tuhod
Sa takot ko'y muntik pa akong mapaluhod
Sobrang dilim ng daan, wala na 'ko halos makita
Pero may biglang sumulpot, umiiyak na bata

Lumapit sa akin at tinanong ako,
"Kuya, nakita niyo po ba ang nanay ko?"
Medyo nailang ako, pero okay na
At least meron na 'kong kasama di ba?

Tinanong ko rin ang bata,
"Gabi na, ano ba itsura ng nanay mo?"
Yung bata, matagal bago nagsalita
"Okay na po kuya, nakita ko na po."

Nagulat ako sa kanyang sinabi,
Paanong nakita niya, e kalagitnaan na ng gabi.
Lumakad na ako, nasa tapat na ako ng library
Sumusunod ang bata, dala ang kanyang candy

Medyo naiinis na ko at naiirita
Kaya tiningnan ko at tinanong ang bata
"Bakit ka pa ba sumusunod? Pumunta ka na sa mama mo!"
Tumingin sa akin ang bata at walang kakibo-kibo

Ang bata'y sumagot matapos niyang manahimik
Ngumiti ang bata, at ito ay umimik
"Kuya, kanina pa natin kasama si mama."
Nagtaka ako, kasi wala naman kaming ibang kasama

Tumuro ang bata, tumuro banda sa aking likuran
"Ayan si mama oh, kanina pa siya nandyan."
Sa aking gulat, nilingon ko, at wala akong nakita
Nanindig ang balahibo ko, sa sagot ng bata

Paglingon ko, ako ay nanghina
Naroon ang babaeng nakita ko kanina
Ang kamay niya'y punong-puno ng dugo
Tumuro siya sa akin, at nalagyan ng dugo ang aking polo

Napapikit ako at 'di makagalaw
Sa pagdilat, kitang-kita ko nang malinaw
Nandun pa rin ang babae, nakatingin sa akin
Pati ang batang lalaki, naroon parin.

Tumawa sila, at lumakad papalapit
Pumikit ako, at nagdasal ulit
May humawak sa akin, sa aking balikat
Ngunit nakapikit ako at ayaw kong dumilat

Ibinukas ko ang aking mga mata
At ang guard ang aking nakita
"Gabi na, ano pang ginagawa mo dito?"
Tumingin ako sa paligid, at wala nang ibang tao.

Wala na ang mag-ina, wala na ang aking takot
Tila panaginip, isang malalim na bangungot
Umuwi ako, at inakalang hindi iyon totoo
Na resulta lang ito ng pagod at sakit ng aking ulo

Kinabukasan, hindi na ko pumasok...
Nagkulong ako sa kwarto, sumiksik sa isang sulok.
Tinanong kasi ako ng aking ina, tungkol sa aking polo
"Anak, kagabi, bakit may dugo ang polo mo?"

You Might Also Like

6 comments: