chapter 3,

Punto De Vista (Chapter 3)

9/19/2013 08:49:00 PM Media Center 5 Comments

Ang Punto de Vista ay kuwentong binuo, sinulat at pinaghirapan ng Media Center 1 2014 staff bilang kanilang creative writing project ngayong semestre.

Ang mga tauhan at mga pangyayari ay pawang kathang isip lamang, hindi hango sa tunay na buhay o karanasan. Ang anumang pagkakahawig sa tunay na buhay ay nagkataon lamang at hindi sinasadya. Walang bahagi ng kuwentong ito ang maaring ilathala at gamitin sa anumang paraan nang walang pahintulot ng may-akda.




 “Di na ‘to kailangan...alam naman natin ako ang may kasalanan”

Pero tuloy-tuloy pa rin si Ms. DiSi sa pagkabit ng mga kable sa katawan ko.

“Sabihin na nating ikaw nga ang may kasalanan, gusto ko pa rin marinig ang istorya mo...”

Nanlisik ang aking mga mata.

“Hindi na nga kailangan. Sinasabi ko na ngang ako may kasalanan pero ayaw mo pa rin maniwala. Eh, anong klase kang imbestigador?”

Kinakabahan na ako pero hindi ko ito ipinakita. Hindi ako gumalaw sa aking kinauupuan at halos masugatan na ang kamay ko sa mahigpit na pagkakahawak sa upuan.

Pagkatapos niya makabit ang lahat ng kable, umupo si Ms. DiSi sa harap ko at tumingin siya nang diretso sa mga mata ko, “May kasalanan ka man o hindi, ang lie detector na lang ang magsasabi.”

Malamig ang tingin ng mata niya sa akin pero hindi ako naapektuhan nito, “Sabihin mo ang  pangalan, seksyon at student number....”

“Ako si Z ng Class 10.4 AD…”

Pinigilan ako ni Ms. DiSi, “Sabihin mo ang buong pangalan mo.”

Nabadtrip ako at dinirediretso ko ang pagsagot sa mga tanong niya. “Ako si Zn ng Class 10.4AD, Student #3014-0030, labing-anim na taong gulang na ako...”

“At ano ang relasyon mo sa ating biktima, si O?”

Nagulat ako sa tanong niya, lumaki ang mata ko pero agad akong tumingin sa bintana para hindi halata. “Kaibigan ko lang si O.”

Tumaas ang kilay ni Ms. DiSi, “Anong meron sa pustahan na pinagsasabi ni Kr?”

Humigpit ang hawak ko sa upuan, “Naging… mas close nga kami nitong nakaraan… pero HINDI ako pumayag sa kung ano mang pustahan”

Hindi nagsayang ng oras si Ms. Disi sa susunod niyang tanong, “Ano ba ang kuwento mo, Zn?”
******
Ilang araw na ang nakalipas matapos akong pabirong hamunin nila Kr. Hindi naman namin itinuloy ang pustahan, pero bakit ganoon? Hindi mawala-wala sa isip ko si O. Kaibigan ko lang naman siya ‘di ba?
            “Hello? Earth to Z! Kanina ka pa nakatunganga diyan”
Doon ko lang napansin na hindi ko pala ginagalaw ang aking pagkain.

            “Ah. pasensya na. Pagod lang ako sa training kahapon”

            “Pagod sa training o pagod sa pag-iisip kay O?” tawa ni Kr, “Uy, di ka pa rin sumasagot sa akin, tuloy ba o hindi ang pustahan?”

Sasagot na sana ako na ‘wag na lang ituloy pero biglang dumating ang iba.

            “Hay nako, tambak na naman tayo ng homework. Porket siya walang buhay idadamay pa niya tayo? This is so irritating!”

            “Tama na, Xe. Baka may makarinig sa ’yo. Kalma ka lang” mahinang sabi ni O.
Tumawa si N, “Xe, si Sir UX  ba ‘yan?”

            Inirapan ni Xe si N, “Oh my god, why are you laughing? This isn’t funny, okay!” Umupo si Xe sa tabi ni Kr, tuloy-tuloy ang pagrereklamo, at tumabi naman sa akin si O.

            “Okay ka lang ba, Z?” tanong sa akin ni O, diretso ang tingin niya sa mata ko.
Naramdaman kong namula ang mukha ko at dali kong kinuha ang student tag ko para lumabas ang holographic screen kung saan nagpapakita ng app na Menu4d’Day.

            “Uhh, okay lang ako, O” sagot ko sa kanya.

            “Sige, kung sabi mo,” sabi niya habang nilalabas ang dala niyang baon.

Pipindutin ko na sana yung Coke pero biglang lumabas ang sign na sold out. Napansin siguro ni O ang itsura ko kaya siya biglang nagsalita.

            "Z, di naman ako masyado umiinom ng Coke, gusto mo sayo na lang?" at inabot niya sa akin ang Coke niya.

Napangiti ako sa kanyang kabaitan, "Ayos lang O, may training pa naman ako mamaya, eh. Pero salamat."

Akala nila siguro di ko sila mapapansin pero napansin ko pa rin ang ngitian nina Kr at N. Napatigil sila nang titigan ko sila nang masama. Tumingin ulit sila sa hologram na lumabas mula sa mesa. Pinindot ni Kr ang kape at may lumabas na baso ng kape mula sa mesa. Nang uminon siya, biglang tumunog ang earpiece ni O.

            "Hala, malapit na pala magsimula ang klase!" habang hawak niya ang tainga niya.

            "Ganoon ba? ‘Di ba Wednesday naman ngayon, vacant?" tanong ni Kr.
Napakamot ako ng ulo. Electives ang sunod na klase, elective na kasabay ko si O.

            “You have Biochem pa, di ba, O?” sabi ni Xe. 

            "Z, mahuhuli na tayo! May quiz pa tayo, di ba? Dalian mo na!” mabilis na sabi ni O.

Kinuha ko nang mabilis ang gamit ko bago suntukin nang mahina si Kr dahil sa kanyang ngiting may ibang ipinararating.

            “Dalian mo na! Si Ma’am Sn pa naman teacher ngayon.”

Sa bagal ko, kinuha ni O ang kamay ko at hinila niya ako paalis sa canteen.

Ang layo ng takbo namin nang biglang napatigil si O sa pagtakbo at binitiwan niya ang kamay ko, napahawak siya bigla sa kanyang mukha.

            "Hala, naiwan ko homework ko!"

            "Pakopyahin na lang kita mamaya, halika na mahuhuli na tayo!"

            “Mangopya? Mali yan!”

            “O! Ikaw na nagsabi na late na tayo.”

            “Pero kasi...” nakasimangot na si O.

            “Ah, sige na. Saan mo ba naiwan?”

            “Sa canteen, sa bag ata ni Xe... Uy Z, saan ka pupunta!?"

Nakapag-umpisa na akong tumakbo bago sumagot. "Mauna ka na, susunod na lang ako!"

Di ko na narinig kung anuman ang sunod niyang sinabi pero nakita ko siyang tumakbo papunta ng klase. Nakasalubong ko si Xe sa canteen at ibinigay niya sa akin ang homework ni O.

            "Oh good, buti na lang you went back. Ngangawa na naman si O if she doesn't get to pass her homework dahil sa akin."

Mabilis akong nagpasalamat at tumakbo muli papunta ng klase. Nakaupo na si O sa kanyang puwesto pero halos kasabayan ko lang dumating si Ma'am Sn.

Tumingin si Ma’am Sn sa kanyang relo, “Z, late ka na naman. Alam mo naman siguro ang ibig sabihin nito ‘di ba?”

“Eh, Ma’am, sabay lang tayo dumating, late ka rin pag ganoon”

Nginitian ko na lang ang kanyang nakasimangot na mukha bago ko iabot ang aking tag para mai-scan bilang record na late na naman ako.

            "Z, sorry talaga na-late ka dahil sa homework ko," bulong sa akin ni O nang umupo ako sa tabi niya.

            "Sus, ayos lang ‘yon sa akin! Para sayo kahit ilang beses pa akong ma-late, okay lang!"
Lalong akong napangiti nang makita kong tumawa si O.

******

“So ang ibig mong sabihin naging mas close kayo ni O, tama ba?”
Tumango na lang ako.
“Ano naman ang naging reaction ng mga kaibigan niyo? Siguro naman napansin din nila ang pagiging close niyo sa isa’t isa?”

******

Habang tumatagal ang oras, mas naging komportable ang samahan namin ni O. Pakiramdam ko nga’y parang mas naging close pa kami ni O. Sa sobrang close minsan parang kaming dalawa na lang lagi ang magkasama.

            "Uy O, di ba nagtatampo si Xe?"

            "Ha? Bakit naman?"

            "Kasi lagi na lang kita kasama, baka feeling niya inaagaw kita."

           "Sus, si Xe pa, di 'yan! Busy naman din siya, eh."

Maaga kaming na-dismiss kasi wala kaming elective ngayon. Kanina pa kami nakatambay sa canteen habang gumagawa ng homework kung saan kami ang magkapares. Dahil maaga kaming natapos sa klase, onti lang ang mga tao kaya medyo tahimik.

            "Sigurado ka? Ayoko naman maging dahilan kung bakit nag-aaway kayo."

Bigla siyang umakbay sa akin. "Masyado ka namang nag-aalala.”

Ilang linggo na kami ay magkasama, nararamdaman ko na nagiging mas confident si O. Minsan iniisip ko kung bad influence ako pero di naman siguro.

            "Gusto mo ng coke?" tanong ni O habang namimili sa Menu4d'Day app.

            "Milk shake na lang, malapit na ang UAAP."
Aabutin ko na sana ang sarili kong ID tag ko nang bigla niya akong pinigilan.

            "Bawal yan, ako ang magbabayad."

            "Huh? Hindi ba masagwang babae ang nagbabayad?"

            "Hindi ah! Friends lang naman tayo, ‘di ba? Okay lang yan. Ikaw na ang nanlibre no’ng minsan eh"

Sa bigat ng elective namin ni O, kami na ang laging magkasama, mahirap nga talaga ‘pag senior year na.

            “Z! Ano, laro tayo ng Hoverball?” pag-aaya ni Kr habang papalapit sa amin, “May bago akong nalamang move! Matatalo na rin kita!"

            “Di pwede Kr, may meeting kami ni O sa canteen,” sagot ko naman habang inaayos ang gamit ko.

            “Meeting ba o date?” biglang sabat ni N.

Napakunot ang noo ko. “Meeting. Ano ba, magkaibigan lang kami. Tigilan niyo na nga.”

Di ko na narinig ang banat nila, dumiretso na ako kaagad sa cable car. Paglabas ko ng cable car, nakita ko si O sa may mga vending machine.

            “Z!” Tumakbo siya papunta sa akin, “Eto o, bumili na ako ng orange juice para sa ‘yo.”

            “Ba’t hindi Coke?” Tawa ko.

Inirapan niya ako, “Ano ka ba? Ang lapit na ng UAAP niyo, bawal ‘yon!”

Nginitian ko siya dahil naalala niya, “Oo nga pala,” sabi ko habang may inaabot sa bulsa ng bag ko,

 “Heto o, ticket sa game namin.”

Lumaki ang mga mata ni O nang makita niya ang tickets. “Uy! Makikita kita in action!”

“Manood ka para manalo kami, good luck charm kumbaga” biro ko.

Tumalikod si O para itago ang ticket, “Loko-loko ka talaga, Z. Itigil mo nga ‘yan”

Tumawa na lang ako, “Heto may isa pa, para kay Xe, pakibigay na lang”

Biglang kumunot ang noo ni O, “May dinner party yata pamilya ni Xe sa araw ng game niyo. Bigay mo na lang kay N.”

Sasagot sana ako pero naunahan niya ako, “Tara na, marami pa tayong kailangan tapusin. Bukas na ipapasa ang unang draft ng report natin. Kailangan perfect.” At dumiretso siya sa pwesto namin sa canteen.

******
“... Well? Ano, may nangyari pa bang iba? Wala bang naging problema sa pagiging close niyo ni O?”
“Uh... Pagkatapos ng UAAP ayun, medyo naging mas komplikado ang mga bagay.”
Tumaas na naman ang kilay ni Ms. DiSi. Sa ganitong lagay, naging permanenteng nakataas na ang kilay niya. “Paano mo nasabing komplikado? May nangyari ba? Ano?”

Hindi na lang ako sumagot. Huminga nang malalim si Ms. DiSi at tumingin ulit sa papeles niya. “Sige, ‘wag mo na sagutin ang tanong ko. Naaalala ko pa kung paano naging malaking isyu ang PDA niyo ni O.”

Wow ah, hanggang sa mga teacher, isa itong mainit na talakayan?

“Ano naman ang naging reaksyon ng mga kaibigan niyo sa nangyari? Sa tingin mo ba yung nangyari noong UAAP ang dahilan kung bakit may nagsulat noong hate letter? Sa palagay mo ba, isa sa mga kaibigan mo ang nagsulat noon?"

Mabilis akong napasagot. “Hindi... Hindi magagawa iyon ng mga kaibigan namin...”
Tumaas na naman ang kilay niya, sabay sa paglaki ng nanlilisik niyang mga mata. “Eh bakit parang hindi ka sigurado?”
Napahinga ako nang malalim at hinawi ko ang buhok gamit ang kamay ko.

******
            “Oh ano, kayo na ba?” Tanong ni Kr.

            “Sila na siguro, grabe kaya ang PDA nila,” sagot ni N.

            “Tigilan niyo na nga ako. Sabi ko nga na hanggang kaibigan lang, di ba?”

P*******, heto na naman po tayo sa mga banat nila. S***, ang sakit pa naman din ng ulo ko. Hindi ko pa nga nakakausap si O tungkol sa nangyari noong UAAP eh, pa’no naman magiging kami?

            “Kaibigan ba ang naghahalikan sa harap ng maraming tao?”  Sabi ni Kr.

            “Grabe kayong dalawa, nakakakilig” tawa ni N.

            “Imbitahin niyo ako sa kasal niyo, ah!” biro ulit ni Kr, “ako best man!”

            “Hindi nga! Ang kulit niyong kausap, eh. Siya ang nanghalik, hindi ako!!! Tigilan niyo na nga!”

            “Pakipot ka pa, alam naman naming gusto mo si O”

Nakasasawa na ang paulit-ulit nilang mga kumentong hindi naman totoo. Araw-araw na lang, mula noong natapos ang UAAP, nakaririndi na. Sa sobra kong pagkainis, napamura na ako.

            “P****** NAMAN OH. SABI NANG HINDI NGA EH! HINDI BA KAYO MARUNONG UMINTINDI?”

Natahimik ang buong canteen, nakatitig sa akin pero wala na akong pakialam. Masakit ang ulo ko, nabubuwisit na ako, ayoko na.

            "Pare, ayos lang ang biruan pero sumusobra na kayo. Walang namamagitan sa amin ni O, tapos ang usapan."

Wala akong pakialam sa mga reaksyon nila na tila nasermonan ng kanilang magulang . Nagdabog ako palabas ng canteen, lahat ng tao umiwas sa akin. Wala na akong pakialam kung anuman ang iniisip nila, basta alam ko, kailangan ko nang makaalis sa school.

            "Z!" narinig kong sigaw ni N.
Napatigil ako saglit pero tumalikod ako ulit at naglakad papalayo.

            "Z, sabi nang sandali lang!"
Naasar na naman ako kaya humarap na ako sa kaibigan ko.

"Ano, gusto mo, mag-sorry ako? Pare sumusobra na kayo, iba na 'yun eh."

"Hindi, Z. Kami dapat ang mag-sorry. Z, dapat naintindihan namin 'yun."
Hinawi ko ang aking buhok at huminga nang malalim.

“N, hindi ko alam kung ano gagawin ko. Nilalayuan ako ni O tapos hindi ko naman matanong si Xe kasi siya rin, dinededma ako. Tapos ngayon, sinigawan ko si Kr. P******, ang gulo.”

Kinamot ni N ang ulo niya, “Nakipagpustahan ka pa kasi diyan, eh. Ano ba ang iniisip mo noon at pumayag ka?"

            "Wala naman akong sagot, di ba? Di ko naman pinatulan eh."

            "Eh bakit ginawa mo pa rin?"

            "Wala nga akong ginawa!"

Natahimik ulit si N. Napahawak na naman ako sa ulo kong lalong sumasakit.

            “Sorry, N. Masakit lang talaga ulo ko. Pero hindi ko naman talaga pinursigi si O. Nagandahan lang ako, ‘yun lang”

Nakakatitig lang sa akin si N, “So ang gusto mong iparating, pinaasa mo lang si O?”

            “Hindi.. ah ewan ko!”

            “Z, alam mo bang matagal na nag-aaway si O at Xe dahil sayo?”

Ako naman ang napatitig kay N sa kanyang sinabi. "Ha!?! Kailan pa?"

            "Hindi ako sigurado pero sa tingin ko, bago pa magsimula UAAP."

            "Ano raw ang dahilan? Anong ginawa ko?"

            "Inaagaw mo raw si O sa kanya"

            "HA!?! Eh, kinausap ko na si O diyan eh, hindi raw magagalit si Xe."

Nakunot ang noo ni N, “Nagsinungaling si O sa iyo.”

*****

“Pangit lang talaga ang pagkakataon noong araw na iyon. Kahit papano, nagkaayos naman kami ni Kr pero minsan hindi ko pa rin maikaila na may problema pa rin.”

Napahinga nang malalim si Ms. DiSi at napahawak sa kanyang noo.

“Z, pagkatapos kong marinig ang panig mo, gusto ko lang itanong, bakit sa tingin mo ikaw ang may kasalanan?”

Napahaplos ulit ako sa buhok ko.

“Hindi pa ba halata? Kung ‘di dahil sa akin hindi kami magiging isyu ni O... Kung ‘di dahil sa akin hindi magkakagalit sila Xe at O... Kung ‘di dahil sa akin di magkakagulo ngayon sa barkada... Kung ‘di dahil sa akin... Kung ‘di dahil sa akin eh di dapat wala tayo ngayon dito.”

ITUTULOY.


You Might Also Like

5 comments:

  1. Paasa kasi si Z eh :( :(

    ReplyDelete
  2. Har har har bet ko rin to :)

    ReplyDelete
  3. ewan ko pero sobrang palpak naman ng mc ng 2014 bakit ang tagal kasi bago magpost ng bagong chapter sorry

    ReplyDelete