chapter 2,

Punto de Vista (Chapter 2)

9/10/2013 08:43:00 PM Media Center 0 Comments

Ang Punto de Vista ay kuwentong binuo, sinulat at pinaghirapan ng Media Center 1 2014 staff bilang kanilang creative writing project ngayong semestre.

Ang mga tauhan at mga pangyayari ay pawang kathang isip lamang, hindi hango sa tunay na buhay o karanasan. Ang anumang pagkakahawig sa tunay na buhay ay nagkataon lamang at hindi sinasadya. Walang bahagi ng kuwentong ito ang maaring ilathala at gamitin sa anumang paraan nang walang pahintulot ng may-akda.





“Umupo ka na, Kr,” sabi ni Ms. Disi pagpasok ko sa kuwarto.

Pinagpawisan kaagad ang kamay ko pero sumunod naman ako sa utos niya, pinaglaruan ko ang kamay ko habang naghihintay sa sasabihin niya. Pero ano ba ang nangyayari?  Kinakabahan ako.  Masayadong mabilis ang mga pangyayari.  Tumingin ako ulit kay Ms. DiSi pero tahimik pa rin siya.

Nasira ang katahimikan nang bigla siyang magsalita, “Nandito ka ngayon dahil iniimbestigahan namin kayong magkakaibigan. Alam mo naman ang hate letter tungkol kay O, diba? Ang mga ganyang bagay ay kahihiyan para sa eskwelahan.”

Marami pa siyang sinabi pero hindi ko siya marinig sa lakas ng tibok ng puso ko. Nagulat na lang ako nang bigla siyang tumayo at naglakad papunta sa akin. “Ang ikakabit ko sa iyo ay isang lie detector, ‘wag kang kabahan at matakot.”


Pinilit ko ang sarili kong hindi gumalaw sa upuan hanggang mailagay niya sa ulo ko ang isang parte ng lie detector nang biglang bumilis na naman ang hininga ko. ‘Di ko maintindihan kung bakit kailangan kaming imbestigahan ni Ms. DiSi. Bakit kaming mga kaibigan ni O ang pagbibintangan sa kumalat na hate message? Wala akong kinalaman doon! Ako pa ang una? Naman oh! Hindi pa man din ako kumportableng makipag-usap sa mga taong hindi ko gaanong kakilala. Kaya nga sabi nila sa klase, tahimik daw ako..

Hindi ako pinansin ni Ms. DiSi, “Sabihin ang pangalan, seksyon…. Anong alam mo? Anong nangyari?”

“Ma’am,” mahina kong sinabi, “wala akong alam sa mga nangyari...”

Agad niya akong sinagot, “Lahat ng impormasyon ay importante.”

Di ko alam kung anong dapat kong sabihin. Bahala na.

“Ako si Kr ng 10.4 AD, Student #3014-0036, labing-anim na taong gulang. Ano po bang gusto niyong malaman? Wala po talaga akong alam tungkol dun sa hate message na sinasabi n’yo. Wala po kayong makukuha mula sa akin.”

“Nais naming marinig ang iyong istorya. Ikuwento mo kung anong nakita mo, narinig o kaya’y naramdaman nitong nakalipas na araw.”

*****

Teka nga, kanina pa ako naglalakad. Nasaan na ba si Z? Feeling ko  matatalo ko na siya sa hoverball. Kung kailan naman wala akong elective at gagawin sa bahay oh. Kanina pa ako naghahanap. Nasaan na ba yun? Malamang nasa old building yun.

Tinatamad ako maglakad, makapag-cable car na nga lang... Nakakainis naman ang kupad naman nito, siguro masisira na naman, eh kung zipline na Íang eh di napabilis sana. Kaya ‘di umuunlad ang Pilipinas eh...


Buti pa ‘yung parking lot maganda. Sa panahong ito, nonagon na ang shape ng parking lot. Ang mga kotse ay patong-patong na lang at tinatawag na lang kung kailangan nang sumakay. Ang mga puno at halaman na dati rati'y lumililim sa parking lot ngayo'y nakahologram na lang, kung kaya't hindi na kailangan pang walisin ang mga nalagas na dahon dito. Si Rockman na model ng UPIS ay bumubuga ng positive charges kung saan kumukuha ng baterya ang mga sasakyan.

Naglakad ako papunta sa parking lot nang makito ko si Xe. Pauwi na ata, sayang! Hindi ko tuloy siya mahahatid. Next time na lang siguro…

Nasaan na ba kasi si Z? Dumidilim na oh.

Hinanap ko pa siya nang ilang beses nang makita ko siyang kasama ni O. Ayun! Kaya naman pala eh, chix ang inaatupag.

Napatingin ako sa relos ko. Ano ba yan, late na. ‘Di na puwedeng makigulo. Bukas ko na nga lang kukulitin si Z. Kapag minamalas ka nga naman oh!

*****

Pagkatapos ng ilang linggo, kakatapos lang ng klase ko, Advanced Electronics, hiniram ko muna yung StudentFinder ng teacher para mahanap si Z.

"Locate: Z. Student number: #3014-0030"
MIMI... MIMI... MIMI... MIMIMIMI... MULTI..
Oh! nasa multi lang pala eh... Bakit nga ba di ko naisip yun?  Tongeks ko naman eh dun nga pala tambayan namin. Sana ngayon ‘di siya busy kay O. Palagi na lang eh. Buti na lang talaga nandito tong stalker, kung gaano kabagal ang cable car ganun mo naman kabilis mahahanap ang taong gusto mong makita within the school premises. Bakit ‘di ko naisip gamitin ito kahapon? Oh well, ganyan ang life.

Amp! Kung kelan naman excited na kong makipaglaro kay Z, under maintainance pa yung walkalator. F! Sa likod na nga lang kahit pang narnia yung daan.


Woah! 1st year pa ata ako nung huli akong dumaan dito. Ay takte! May hihiramin nga pala kong lumang video para dun sa report! Buti na lang naalala ko.

Pumunta ako sa Library na sa laki ay sakop na rin nito ang buong field.  Ang mga libro ay napalitan na ng mga tablet at LED screens. Ang AVR na karugtong nito ay tila isang time machine. Dito ay maaring balikan ang mga historical events na nais matunghayan.Hindi na semento ang bumabalot sa library kundi fiber glass.

"Good Afternoon po Ms. Lorna," sabi ko paglapit ko sa kanya.

Si Lorna ang information booth sa library. Lahat ng bagay ay alam na niya. Kuya Kim ng UPIS kumbaga. Kahit ano pang subject, lyrics ng kanta at kahit napapanahong balita sa loob at labas ng bansa. Pero hindi mo siya mauuto na gawin ang homework mo, alam niya rin kasi ang lahat ng kuwento sa loob ng classroom. Siya na rin kasi ang nagtuturo sa mga estudyante na umabsent.

"Yes? How may I help you?" sagot naman niya.

"Gusto ko lang po, sana ipick-up yung pinareserve ni Sir na video para sa report namin."

"This may take a few minutes. Please wait."

Scanning.... Scanning...

"Here you go. Thank you, come again."

"Salamat din po."


*****

So! Ayon lang pala si Z... Sa haba ng nilakbay ko nandun...  Eh?! Bakit nandun si O? Sa pagkakaalala ko, may klase siya ah. Nag-cutting kaya siya? Di naman niya ginagawa yun ah! Akalain mo ang good girl unti-unting nagiging bad girl. Next time na nga lang. Baka makasira pa ko ng moment ng dalawa. Makauwi na nga lang.

Ano yun? May something ba sa kanila? Pagkatapos ng overnight hindi na hiniwalayan ni Z si O. Tapos ngayon nag-cutting pa si O. So ano yun? Sila na? Agad-agad? Seryoso ba si Z? Sila agad? Ambilis naman. Seryoso ba talaga yun o hindi? Hala, paano kung hindi? Sasabihin ko ba yung tungkol sa pustahan? Kaso pareho ko silang kaibigan. At siguradong masisisi ako. Ah hindi! Hindi dapat!

"Dude, dinaig mo pa yung sink hole sa lalim ng iniisip mo ah," biro ni N sa akin.

“Uy, N! Ikaw pala Nakita mo ba si Z?” tanong ko kay N.

“Ay hindi e. Ba’t sa akin mo hinahanap, kay O mo hanapin tutal...”

“Ha? Bakit ano bang meron dun sa dalawa? Sila na ba?”

“Sila agad-agad? Ano to sulit.com? Hanap. Usap. Deal?! Hindi naman sa sila agad. Para kayang buntot ni O si Z! Alam mo, may nase-sense ako eh. Baka tinotoo niya yung sinabi mo...” biro ni N sa akin.

“Luh? Sinabi ko? Ano bang sinabi ko?”

“Duh! May iba pa ba? Baka yung napag-usapan sa overnight... Yari ka! Ikaw pasimuno! Tapos umaamnesia girl ang arte mo. Ikaw ang dahilan, kaya wag ka nang magtaka!”

“Ha? Ako na naman, brad? Grabe to! Hindi ah! Bakit ikaw? Kasi naman eh!”

“Oh, chill lang bro! Galit agad. Pati ako nalelerky sayo!”

“Le…ler..lerky?  Hmmmmmm?”

“Una na pala ako, bye!”

Ito talagang si N hindi malaman kung ano talaga. Haist... Ako ba talagang dahilan? Ako na nga tumutulong para masabi ni Z yung top secret na feelings niya para kay O, ako pang napasama. Kung hindi lang kasi torpe 'tong si Z eh di sana hindi na ko nag-suggest ng ganun. Tsss... Buhay nga naman, Parang life.


*****

“Inaamin mong ikaw ang nagpasimuno ng pustahan?” biglang tanong ni Ms. DiSi.

Lumunok ako bago sumagot, “A...o…op…opo.  Ako ang nagsimula ng pustahan, pero ginawa ko lang ‘yun kasi akala ko may gusto si Z kay O”

Tumaas ang kilay ni Ms. DiSi, “Akala mo lang?”

Pinahid ko ang pawis sa noo ko, “Hindi… pero… Oo rin… Ewan ko ba! Basta naging mas malapit sila.”

“Inaamin mo nga na mas naging malapit si O at si Z?”

Pinabayaan kong tumatalon-talon ang tuhod ko bago sumagot, “Oo, madalas silang magkasama… lalo na sa canteen”

*****

“Hey, Kr! Samahan mo naman ako sa canteen oh. Please?” sabi sa akin ni Xe habang naglalakad ako sa corridor.

“Sige sige!” sagot ko naman, ang tagal ko na hindi nakakasama si Xe.

"Uy! Sila O yun ah!" sabi ni Kr sabay hatak sa braso ko.

Nilapitan namin sila pero busy na pala sila.

“Anog gusto mong kainin?” sabi ni Z.

“Carbonara na lang ako. ” sagot naman ni O.

“Sure ka diyan, O? ‘Yan lang kakainin mo?”

“Yes, oks na ko dito. Thank you Z, ah!”

"Dito na tayo para hindi maingay."

"Hmmm.. Sige... Oh.. di mo naman na kailangan na paunahin ako sa pag-upo eh, pero salamat ah.."

"Ano ka ba naman? Wala yun... Minsan lang ako maging gentleman ‘no... sulitin mo na hahaha... Hmmm sila Kr yun, diba?" Ay naku! Nahuli kami.

"Oo nga no, magkasama pala sila ni Xe... nasaan naman kaya napadpad si N?"

"Kr! Xe! Gusto niyo dito na kayo umupo? Oh! Bakit natutulala kayo diyan? Kayo talaga, oh! Xe upo ka na dito!"

"Thank you Z,” sabi ni Xe habang palapit sa kanila “you're good ngayon ah, anong meron?"

"Oo nga bro! Anong pagka-gentleman ang sumanib sa iyo?"

"Umalis nga kayo dito! Haha Joke lang! Bawal na ngayon maging mabait? Para kayong si O eh."

Ang gulo nitong si Z... Hindi mo malaman kung ano talagang balak niya. Kala ko pa naman may meaning yung pagpapakabait niya kay O kaso parang trip lang niya talagang maging mabait ngayon.

"Mga neneng at totoy! Natahimik ata kayo? May burol lang?"

"N!!!" tuwang -tuwa na sabi ni  O.

"Saang lupalop ka na naman napadpad? Kanina ka pa kaya namin hinahanap" sabi ni Xe.

"Hay na’ko Xe, mahabang kwento, nakakaloka" tawa ni O.

"Oh, tutal nandito na tayong lahat, mag-jamming na tayo. Nandito naman ang artist niyo eh diba, Xe?" loko ni Z.

"Hay na’ko, Z. Alam mong wala kang future diyan, buti pa si Kr. Diba O?" sagot naman ni Xe.

"Aba syempre si Z pipiliin niya kesa kay Kr no! Yan pa!" tawa naman ni N.

"Yieee... Kapag kayo talaga nagkatuluyan, manlilibre ako," loko ko naman. Grabe, bagay talaga itong dalawang ito.

"Oh talaga Kr? Bibilhan mo ako ng bagong disc?"

"Weh Z! Corny! Pero Oo! Para manalo ka naman sa UAAP."

Kring... Kring…

Pagkatapos ng bell, nagpunta na kaming lahat agad sa room, as usual, magkasama si Z at si O. Nagkita-kita na lang kami noong uwian na.

"Tara na O, uwi na tayo, marami akong ikukwento sa’yo, girl!" sabi ni Xe habang hinihila si O.

"Hmmm... Sige guys, una na kami ni Xe ah. Bye Z. Salamat sa kanina,” sabi naman ni O.

"Uy, sige dun na ‘ko sa may parking lot ah, hintay pa ‘ko ng sundo eh,” sabay tayo na rin si N.

"Sige N! Mauna ka na. Sabay na kami ni Kr pauwi."

"Kala ko hahatid mo si O?" tawa ko.

"Hay nako Kr, baka magsawa na sakin yun no, hindi porket pogi ako di na siya magsasawa sakin. Tsaka sabay na sila ni Xe, ma-o-op lang ako dun" 

"Eh pre,” sabi ko nang kami na lang an matira, “dideretsuhin na kita ah, seryoso ka ba kay O?"

"Hmmm... sabi mo gumawa ako ng move. Gulo mo rin eh no."

"Pero kasi ----"

"Ge pre, una na ko, nandyan na yung driver eh."

Ang gulo naman nitong si Z, eh. Ano ba namang sagot yun. Masyadong safe, Gitnang-gitna, Wala akong makuha sa sagot niya. ‘Di bale, bukas tatanungin ko na lang si Xe tutal nag-uusap naman sila ngayon.


*****

“Pumayag ba si Z sa pustahan o hindi?” Tanong ulit ni Ms. DiSi sa akin, ngayon medyo mas malakas na ang boses niya.

“Wala po siyang sinabi… pero sa mga aksyon niya mukhang pumayag siya”

Tinitigan ako ni Ms. DiSi bago magsalita, “Noong tinanong mo siya, wala kang nakuha sa kanya kaya nagalit ka? Kaya gumawa ka ng hate message kinabukasan?”

Natahimik na lang ako…

“Anong ginawa mo pagkatapos nang araw na iyon?”


*****

“Goodmorning, Xe! Kamusta?” tanong ko kay Xe

“Goodmorning! Oks lang naman! Ano ka ba, everyday naman tayong magkasama! Ngayon ka pa nangamusta. Anong meron ha? Sabi na eh, type mo ko.”

“Ha? Hahahaha Masama bang kamustahin ka? Kamusta kayo ni O? Kahapon na lang kayo ulit
nagkasama ha.”

“Ah si O? We’re fine naman. Just like the old times.”

“Ah buti naman. Kamusta naman daw siya?”

“I think she’s okay naman.”

“Eh, wala na ba siyang nakuwento? May nabanggit? Kamusta sila ni Z?”

“Hmm, yeah. Nagkuwento siya, konti. Madalas daw siyang kinukulit ni Z, tapos ang bait-bait daw sa kanya. Basta marami pa. Wala naman siyang ibang binabanggit kundi si Z eh magkasama rin naman kayo ni Z kahapon, right?”

“Anong sabi?!”

“Tungkol lang sa mga ginagawa ni Z para sa kanya. Yun lang. Ano bang meron ha?” pangungulit ni Xe sa akin.

“Ahhhh. Wala naman...”


*****

“Sinabi ni Xe na nagiging malapit na si O at si Z…”

“Tama na, Kr," biglang sabi ni Ms. DiSi habang minamasahe ang kanyang noo, “maraming salamat sa tulong mo. Puwede ka nang umalis.”

Huminga ako nang malalim, tapos na rin sa wakas. Tinaggal ko ang mga kable na nakadikit sa akin. Ang gulo naman ng meeting na ito. Sino ba naman ang gagagawa nito? Lalong gumulo ang utak ko sa paghahanap ng kasagutan sa tanong ko. Di ko alam kung anong makukuha nila sa kuwento ko, basta yun na lahat ang masasabi ko.

Tumayo ako at inayos ko ang damit ko. Binuksan ko na ang pintuan nang biglang nagsalita ulit si Ms. DiSi, “Paglabas mo Kr… tawagan mo na si Z.”

“Opo,” at ‘yon ang huli kong sinabi bago ko siya iwanan.

ITUTULOY.

You Might Also Like

0 comments: