chapter 2,

TRESE: Chapter 2 - Hulyo

8/24/2012 08:00:00 PM Media Center 3 Comments


Ang Trese ay isang serye ng iba't ibang magkakaugnay na kuwento na binuo, sinulat at pinaghirapan ng Media Center 2013 staff bilang kanilang creative writing project.

Ang mga tauhan at mga pangyayari ay pawang kathang isip lamang. Hindi hango sa tunay na buhay o karanasan. Ang anumang pagkakahawig sa tunay na buhay ay nagkataon lamang at hindi sinasadya. Walang bahagi ng kuwentong ito ang maaring ilathala at gamitin sa anumang paraan nang walang pahintulot ng may-akda.







Martes


[Suzy]

Sobrang lakas ng ulan. Hindi masilayan ang araw. Ayoko talaga sa ulan dahil bukod sa ginagawa nito akong basang sisiw at hindi ko marinig ang aking magandang boses, may “falls” pa sa Multi. Nakakaloka. Namroblema tuloy ako kung saan ako kakain. Sa room na lang nga.


Nakita ko ang crush kong si Ezra habang bumibili kami ni Leia ng pagkain sa canteen. Ang guwapo niya talaga at ang hot pa, parang kape lang. Buti na lang natuyo na ang uniform ko bago mag-lunch. Kaninang umaga kasi, daig ko pa nga ata ang mga halaman sa sobrang basa ko.


Palihim kong sinusulyapan si Ezra habang papalabas nang biglang...


“ARAY!” malakas kong sinabi.


May bumunggo sa akin at natapon yung pagkain ko. My gosh! Ang laki na nga ng kinuhang tubo ng canteen, hindi ko pa napakinabangan. Tiningnan ko ng masama ang salarin. Si Sean pala.


“Anong problema mo ha? Sinadya mo ‘yun no! Nakakaasar ha!”


“Uhhh… sorry,” sabi ni Sean.


“Sorry? Sorry lang? Makakain ko ba ang sorry mo?”


“Sorry! I didn’t mean ‘to...”


Nakaka-nosebleed talaga ‘to magsalita.



[Sean]

Nakatingin na yata sa ‘min ni Suzy ang lahat eh. Siya na nga may kasalanan, siya pa ang galit. Siya pa naman ang isa sa pinakamagandang babae sa batch. Maputi siya, maayos tingnan, at matalino pa. Kaso nga lang…

“I dint min two ka dyan! Walang hiya!” sigaw niya.

Tumahimik na lang ako. Nahiya siguro siya kaya umalis na lang siya kasama sina Leia.

Tinitingnan ko si Suzy habang naglalakad. Mukhang galit talaga siya. Alam ko hindi ako ang may kasalanan pero ayoko ng may kagalit. Babawi ako. Sana matuwa siya sa mga gagawin ko. Pero bukas na lang siguro. Pagkatapos ng klase, susunduin ako kaagad at pupunta sa ospital para sa regular na check-up sa aking RBC o Red Blood Count. Sabi ni doc na kailangan ko nang ma-confine sa ospital. Buti na lang at sinabi ng nanay ko na kung hindi pa malala yung sakit, pwede pa akong pumunta sa school pero dapat may check-up ako araw-araw.


Miyerkules


[Sean]

Kailangan ko nang gawin ang unang plano.

Pagkatapos ng klase, tumakbo ako papunta kay Aling Norms. Bumili ako ng siomai dahil sinabi sa akin ni Leia, paborito niya raw ang siomai. Saktong-sakto, nakita ko siyang dumaraan sa corridor.

“Hi!” sabi ko.

“Ikaw nanaman?” sagot niyang nakataas ang kilay.

“Uhm... Here.”

“Ano ‘to?”

Inabot ko ang siomai at umalis agad. Siguro naman natuwa siya. Hindi niya ako sinigawan eh. Pero baka kulang pa yun. Ang corny naman kung siomai lang ang bibigay ko sa kanya. Dapat mas marami akong gawin. Bukas na lang. Napagod ako sa pagtakbo. Kaya pa.


[Suzy]

Bakit parang nagpapapansin ata sa akin yung maputing yun? Eh hindi naman kami close.


Binigyan niya ako ng limang pirasong siomai tapos may mga papel na nakadikit sa bawat stick na nakatusok sa siomai.


“RORYS?! Anong ibig sabihin ng RORYS?” tanong ko kay Aya. Papunta sana kami sa Guidance para sa meeting ng Peer nang masalubong si Sean.


“Uhhh... Suzy, feeling ko kailangan mong i-rearrange,” sagot niya. Nerd talaga.


Pero nung nilagay ni Aya sa ayos yung mga siomai, nakalagay “SORRY”. Sus! kung akala niya sweet yun, puwes hindi kaya. Maalat at maasim kaya. Eh paano niya nalaman na mahilig ako sa siomai? Stalker siguro siya.



Huwebes


[Sean]

Nagising ako nang maaga. Sumakit yung mga binti ko sa pagtakbo ko kahapon. Sabi ng doktor na dapat magpahinga na ako. Buti na lang hindi ako tatakbo sa gagawin ko mamaya.

Bago pumasok sa klase ko, nagpunta ako sa room nila Suzy. May binulong ako sa mga kaklase niya.
“I need help. Please tell Suzy that I am really sorry. She doesn’t seem to believe me. Also, tell her she’s so much more beautiful when she smiles.”

Nagkatinginan kami bago ako lumabas pero umalis ako agad kasi nahihiya pa rin ako sa kanya.


[Suzy]

Maya-maya lumapit ang mga kaklase ko sa akin, isa-isa.


“Suzy, sorry na raw.”


“Hindi niya raw sinasadya.”


“Mas bagay raw sayo ang nakangiti.”


“Babawi raw siya sa iyo.”


“Hindi raw siya mapapagod na humingi ng tawad sa iyo hanggang sa kusa mo siyang patawarin.”


Natuwa naman ako kasi gumagawa talaga siya ng paraan pero magkukunyari muna ako na galit ako sa kaniya.


Naglalakad kami papuntang PA nang masalubong namin si Sean. Tinabihan niya ako at kinantahan niya ng “Sorry Na” ng Parokya ni Edgar. Papatawarin ko siguro siya kung ang pinakanta niya ay ang Parokya ni Edgar mismo. Sintonado kasi siya. Haha.


Pagdating ng lunch, kinantahan niya naman ako ng “Reason” by Hoobastank. Natuwa ako. Bagay sa boses niya eh.


Pagdating naman ng uwian, kinantahan niya ako ng “I Am No Superman” by Jeronimo. Maganda yung kanta at ang pagkakakanta niya, kaso sumobra na siya eh. Ang dami na.



Biyernes

[Suzy]

Inaantay ko kung paano magsosorry si Sean ngayong araw. Sabi ko sa sarili ko papatawarin ko na siya ngayon. Pero hindi ko siya nakita maghapon.


Hinanap ko siya sa kung saan-saang sulok ng school. Nagpunta ako sa guard house, sa swan quad, at sa canteen pero di ko pa rin siya nakita. Nagpunta pa nga ako sa kinatatakutan kong lugar, sa library. Sinubukan kong tanungin si Sir Leroy kaso hindi ko siya gaanong marinig kaya nagpaalam na lamang ako sa kaniya.


Napapagod na kong maghanap pero wala talaga. Papunta na sana ako ng Guidance nang makita ko si Sean na kalalabas lang ng Clinic.



[Sean]

Sabi ng doktor na kung di ako magpapa-confine, dapat magpa-check up ako sa clinic sa school.

Dumaan ako ng clinic pagkatapos ng klase. Sinabi ng school nurse na dapat nasa ospital na raw ako. Ayoko talaga. Kung mas maikli ang buhay na binigay sa akin, dapat ginagamit ko nang walang nasasayang na oras, hindi ba? Paglabas ko ng clinic, nakita ko si Suzy. Tumakbo siya. Nakakatuwa siya tumakbo. Haha.

“Anong ginagawa mo diyan? Tumatambay?” tanong niya sa akin.

“Ha? Uh... Oo. Wala akong magawa kasi eh.”

“Wow ah. Tambayan na pala ang Clinic?” sabi ni Suzy habang tumatawa.

Ang taray niya talaga. Masama na naman ang pakiramdam ko. Huwag muna.


[Suzy]

“Sige. Uuna na ako ah,” sabi ni Sean.


Akala mo foreigner kung magsalita ng Filipino eh.


“Teka nga muna. Manhid ka ba? O sadyang tanga ka lang?”


Parang nagulat siya. “Bakit?” tanong niya.


Nasaktan ba siya sa sinabi ko o hindi niya lang gets?


“Ay grabe. Hindi pick-up line yan! Manhid mo talaga!”


“Di naman. Alam ko na. Galit ka pa rin dahil natapon ko yung pagkain mo. Sorry! Sorry na...” sabi niya.


”Hindi ako galit, Sean. Sobra nga yung mga ginawa mo noon eh.”


“Di nga ako nag-effort dun eh.”


“Okay. Pwede ka pang mag-effort.”


“Huh? Anong meaning nun?”


“Ewan. Ang slow mo.”


Natahimik siya.


“Basta. Lahat ng ginawa kong kalokohan ay para sa ‘yo,” sabi niya.


Napangiti na lang ako. Nakakakilig naman.


-----

Sabado, halos tatlong linggo na ang nakalipas


[Sean]

Patapos na ang Hulyo. Halos araw-araw pa ring umuulan. Parang nakikisabay ang langit sa kalungkutan ko.

Lagi kong sinasamahan si Suzy kahit nanghihina na ako. Wala na akong pakialam. Masaya ako pag kasama siya.

Pero bukas na raw ako titira sa ospital sabi ni Mama. Kaya ito na talaga. Tinawagan ko si Suzy.

“Hoy, Suzy. Mag-date naman tayo.”

“Wow ah. Napaka-sweet mo naman mag-aya. Nakakahiya naman ata sa iyo kapag tumanggi ako,” sabi niya.

“Hay nako, ang arte pa. Sige na. Mamaya ng tanghalian magkita tayo sa Mcdo Katips. Bye.” Binaba ko agad kasi pupunta ulit kaming ospital. Sana hindi siya nainis.


[Suzy]

Nakakainis naman. Biglaan na date. Nagmamadali pa. Baka naman kaunti lang load niya. Hahaha. Kawawa naman. Poorness.


Naghanap kaagad ako ng isusuot ko pero alam ko naman na maganda ako kahit anong isuot ko eh at wala na naman siyang magagawa sa kung ano pa ang isuot ko, suot ko na eh.


Sa sobrang pagka-excited ko, pagkabihis ko ng damit, pumunta na agad ako sa Mcdo. Hinintay ko na dun si Sean hanggang mag-tanghalian. Pinagtitinginan na nga ako ng mga tao pero maghihintay pa rin ako.


Naghintay ako. Naghintay nang naghintay.



[Sean]

Sabi ng doktor na dapat kahapon pa akong naka-confine, pero nakumbinsi ko si Mama na mamasyal ng isa pang beses. Mamaya na ang date namin. Tumataas ang blood pressure ko. Naiinitan ako. Mali yung Mcdo kung saan ako hinatid. Nag-jeep pa tuloy ako papunta sa Katipunan. Dapat nakinig ako sa doktor, pero gagawin ko to. Para sa kanya.

Pagbaba ko, ang tindi ng sikat ng araw. Nahilo ako. Wala akong makita. Wala akong marinig. Nasa hagdan na ako ng overpass. Ang lapit ko na. Ang lapit... ko....


[Suzy]

Nakakaloka. Alas tres na pero wala pa rin si Sean. Anong oras ba siya kumakain ng tanghalian? Nakakalurkey.


Sayang naman ang beauty ko. Todo make-up pa naman ako. Para na nga akong espasol eh. Inaya niya na nga ako sa sobrang hindi sweet na paraan tapos hindi pa siya sisipot. Pinaasa niya lang ako. Hindi man lang siya nag-text, o nag-tweet na hindi siya makakarating. May pick-up line pa naman ako. Next time ko na nga lang sasabihin. Yun eh kung mapatawad ko pa siya sa di niya pagsipot.


Kulang ang limang siomai sa ginawa niyang ‘to.


Ayoko na. Uuwi na ako. 

You Might Also Like

3 comments:

  1. I like their story better. :) It's getting good! :bd

    ReplyDelete
  2. This is actually better than the first story. I needed to read the first chapter nth times just to get that sense or is it just me. Sorry but anyway good job! I like this chapter!

    ReplyDelete
  3. I'm excited to read the third chapter. It's also good as the first chapter. Keep up the good work!

    ReplyDelete