Feature: To Our One and Only…
To our one and only Mama T!
Ang sulat po na ito ay para sa inyo, para sa aming pinakamamahal na guro, dahil alam naming magreretiro na kayo ngayong taon at ayaw po naming palampasin ito nang hindi kami nakakapagpasalamat sa inyo!
Maraming salamat po sa tatlumpu’t tatlong taong serbisyo. Sa tagal po ninyo rito sa UPIS, hindi namin malilimutan ang lahat ng itinuro ninyo sa amin, hindi lamang ang iba’t ibang teorya sa panitikan kundi pati na rin sa mga asal at pag-uugaling kakailanganin namin sa hinaharap.
Mamimiss po namin ang pagbati ninyo tuwing umaga sa klase ng alas-siyete, kahit iilan lamang kaming umaabot sa pagbating iyon. O ang iyong mga pa-review bago magsimula ang pagsusulit para sa mga estudyanteng hindi nakikinig. Maging ang pagpapatawad mo sa mga dinalaw ng pagod at piniling mag-siesta sa klase mo. Ayan tuloy, hindi nila narinig ang malambing ninyong boses tuwing nagtuturo po kayo. Maraming maraaaming salamat po sa mahabang pasensya at pagsususumikap na turuan pa rin kami sa kabila ng aming mga kalokohan at kakulitan.
Mamimiss po naming kulitin kayo sa inyong table sa department tungkol sa requirements na hindi namin nailista kaya paulit-ulit po naming naitatanong ang mga ito sa inyo. Maraming salamat po dahil kailanma’y hindi kayo nagsawang sagutin ang mga tanong namin at ipaliwanag sa amin ang mga dapat naming gawin.
Kayo po ang nagturo sa amin, ayon na rin sa teoryang Realismo na minsan ang buhay talaga ay mahirap ngunit sa pagpapatuloy nito ay pwede kaming magbago at magkaroon ng isang magandang wakas. Hindi po namin kalilimutan ang mga pag-aaral sa teoryang pampanitikan, Noli Me Tangere, El Filibusterismo, at pagtatalumpati na kayo po ang nagturo sa amin. Maaaring nagrereklamo ang karamihan sa amin noon, ngunit ngayon ay natanto na namin ang halaga ng mga pinapagawa ninyo. Ginabayan niyo po kami hindi lamang sa klase sa Filipino kundi sa pagiging malikhain, pagiging mapamaraan, pagiging masipag, pagbuo ng de kalidad na trabaho, at pagkakaroon ng time management skills na siguradong makakatulong sa amin sa hinaharap.
Marami po kaming bagay na mamimiss tungkol sa inyo Mama T, pero higit sa lahat, mamimiss po namin kayooo! Mamimiss po namin ang pagiging mabuting nanay ninyo sa amin! Mamimiss po naming maging mga anak/apo ninyo. Mama T, asahan po ninyong lalo pa naming pagbubutihin ngayon at sa hinaharap. Sana po bumisita kayo sa school dahil hindi po namin makakalimutan ang lahat ng itinuro ninyo sa amin, at wala rin pong makakapalit sa inyo sa aming mga puso! :)
Inyo pong i-enjoy ang inyong retirement at ang isang mahaba at masayang pahingang deserve na deserve ninyo! We love you Ma’am Tengson!
Nagmamahal,
Inyong mga anak
//nina Fiel Delos Reyes at Marianne Sasing
3>3>
2 comments: