editorial,
Pirma na lamang ng pangulo ang kailangan upang maisabatas ang “Anti-Terrorism Bill of 2020” matapos itong aprubahan ng Kapulungan ng mga Kinatawan sa ikatlong pagbasa nito noong Miyerkules, Hunyo 3, 2020.
Sources:
https://congress.gov.ph/legisdocs/first_18/CR00340.pdf
https://newsinfo.inquirer.net/1285964/anti-terror-bill-approved-with-no-changes-in-unconstitutional-provisions
https://www.rappler.com/nation/262757-house-3rd-reading-anti-terror-bill
https://www.onenews.ph/lawyers-other-groups-terrified-by-anti-terror-bill-here-s-why
https://newsinfo.inquirer.net/1234583/sotto-assures-anti-terror-bill-cant-be-used-to-harass-silence-govt-critics
https://news.abs-cbn.com/news/07/18/19/robredo-opposition-figures-face-sedition-raps-over-bikoy-videos
https://www.rappler.com/newsbreak/iq/162354-explainer-leila-de-lima-accusations-drug-trade
https://www.rappler.com/nation/223434-nbi-detains-maria-ressa-february-13-2019
Editorial: Anti-Terror o State Terror?
Pirma na lamang ng pangulo ang kailangan upang maisabatas ang “Anti-Terrorism Bill of 2020” matapos itong aprubahan ng Kapulungan ng mga Kinatawan sa ikatlong pagbasa nito noong Miyerkules, Hunyo 3, 2020.
Ang nasabing panukala, kilala rin bilang Senate Bill 1083, ay inaprubahan sa Senado noong Pebrero 26 at hindi na dumaan sa pagbabago sa ikatlong pagbasa upang masunod ang utos ng Pangulo na madaliin ang pagpasa rito.
Sa ilalim ng panukala, ituturing na terorista ang mga mamamayang nagdudulot ng takot, gulo, at paninira sa mga lugar, tao, o sa gobyerno gamit ang kahit anong pamamaraan mula sa pagpatay, pagbiyahe o pagmamay-ari ng armas, hanggang sa simpleng paghahayag ng saloobin sa social media.
Nakasaad sa deklarasyon ng mga polisiya ng panukala na isinusulong nitong magbibigay ng proteksyon sa ating buhay, kalayaan, at mga pagmamay-ari mula sa banta ng terorismo ngunit kung susuriin ang mga probisyon nito, makikita na lumalabag ito sa Konstitusyon at inaapakan nito ang ilang mga karapatang pantao.
Ayon sa mga probisyon nito, ang mapaghihinalaang gagawa ng alinman sa mga krimeng nabanggit ay maaaring arestuhin at ikulong nang walang warrant of arrest mula 14 hanggang 24 na araw nang hindi ipinagbibigay-alam ang dahilan ng kanyang pagkakahuli. Dagdag pa rito, walang bayad-pinsalang ibibigay sa inaresto sakaling mapatunayang hindi siya nagkasala. Malinaw na nilalabag nito ang Konstitusyon, partikular ang Artikulo 7, Seksyon 18 kung saan isinasaad na dapat tatlong araw lamang ang itagal ng tao sa kulungan bago siya palayain o pormal na makasuhan kung aarestuhin siya nang walang warrant.
Ang sinomang pinaghihinalaan ay maaari ring isailalim sa surveillance nang lingid sa kanilang kaalaman sa loob ng 60 na araw na maaaring pahabain ng mga pulis o militar nang hanggang 30 na araw matapos makakuha ng written order mula sa Court of Appeals. Maaari nilang silipin nang palihim ang mga pribadong accounts sa social media, mga ipinadadalang mensahe, at tawag. Malinaw na taliwas ito sa Republic Act No. 10173 o Data Privacy Act of 2012 na nagsasabing kailangang ipagpaalam sa tao kung bakit, paano, at kung para kanino nila gagamitin ang mga impormasyon ng indibidwal bago magkaroon ng akses dito. Dagdag pa riyan, maaaring kolektahin ng mga tagapagpatupad ng batas ang lahat ng mensaheng naglalaman ng kritisismo upang gamitin bilang ebidensiya ng terorismo.
Banta rin ang panukalang ito sa pagpapahayag ng sentimiyento laban sa administrasyon kaya labag din ito sa Artikulo 3, Seksyon 4 ng ating konstitusyon na nagsasabing, "Hindi dapat magsagawa ng batas na nagbabawas sa kalayaan sa pananalita, pagpapahayag, o ng pamahayagan, o sa karapatan ng mga taong-bayan na mapayapang magkatipon at magpetisyon sa pamahalaan upang ilahad ang kanilang mga karaingan."
Isa pang malaking problema sa panukala ay ang iminumungkahi nitong pagbuo ng Anti-Terror Council (ATC) at ang kapangyarihang ibibigay rito. Ang ATC ay bubuuin ng mga miyembro ng gabinete at magkakaroon ng kapangyarihan na bansagang terorista ang mga tao o grupo at iutos ang pag-aresto sa mga ito. Nagbibigay ito ng kapangyarihang pang-hudikatura sa ehekutibong sangay na maaaring abusuhin upang patahimikin ang mga kritiko ng pamahalaan. Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque at Sen.Vicente Sotto III, wala raw basehan ang inaalmahan ng mga mamamayan na pang-aabuso sa mga probisyon ng panukalang batas. Sa katunayan, nakalagay naman talaga sa panukala na hindi ibinibilang sa terorismo ang adbokasiya, protesta, pagtutol, at iba pang paggamit sa mga karapatang sibil at pulitikal. Ang problema, ito ay sa kondisyong wala itong layunin na magdulot ng kapahamakan sa ibang tao o sa publiko. Dahil sa lawak at kalabuan ng depinisyon ng kondisyong ito, maaaring gamitin ang panukala upang bansagang terorista at sapilitang patahimikin ang sinomang pupuna sa pamahalaan lalo na’t mga miyembro ng ehekutibong sangay rin ang may kapangyarihang gawin ito.
Sabi ng iba, kung hindi ka terorista ay wala kang dapat ikatakot ngunit dahil sa laki ng pananagutan ng pamahalaan sa pagtukoy ng mababansagang terorista, mahalagang mataya natin ang kredibilidad ng mga namumuno sa pagpapatupad ng batas. Sa kasalukuyan, maayos nga bang nagagamit ng administrasyon ang kapangyarihan nito? Tunay nga bang walang dapat ikatakot ang mga inosente?
Ayon sa ilang mga organisasyon ukol sa karapatang pantao, umaabot na sa 27, 000 ang napapaslang sa giyera kontra droga ng Pangulong Duterte. Kabilang sa mga pinaslang ang 17 taong gulang na si Kian Delos Santos at ang 14 taong gulang na si Reynaldo De Guzman na umano’y suspek sa pagtutulak ng ilegal na droga ngunit hindi man lamang binigyan ng pagkakataong ipagtanggol ang kanilang mga sarili sa loob ng korte. Kamakailan lamang ay nahatulan na ang mga pumaslang kay Kian at napatunayang hindi makatarungan ang nangyaring pagpatay sa biktima habang patuloy pa rin ang kaso laban sa mga pulis na pumatay kay De Guzman. Gayumpaman, ang mga kaalyado ng pangulo mula pa noon sa kaso ni dating Cong. Imelda Marcos na na-convict sa kasong graft, hanggang sa kasalukuyan sa mga paglabag sa panuntunan sa quarantine nina Sen. Koko Pimentel at NCRPO Chief Debold Sinas na natagpuang lumabag sa quarantine protocols ay malaya pa rin at nakaupo sa kani-kanilang puwesto sa pamahalaan.
Kung tataluntunin ang paggamit ng kapangyarihan ng ehekutibo mula pa sa simula ng termino nito, kapansin-pansin ang mga pagtatangka sa pagpapatahimik sa mga kritiko sa pamamagitan ng paggamit sa batas bilang armas. Noong 2017, inaresto si Sen. Leila De Lima, isang miyembro ng oposisyon sa senado, matapos siyang pagbintangang kasangkot sa ilegal na bentahan ng droga sa Bilibid kahit na walang sapat na ebidensya. Si Maria Ressa, CEO ng Rappler, ay inaresto ng NBI nitong nakaraang taon dahil sa kasong cyberlibel dahil sa kritismong inilathala sa kanyang new website. Sinampahan naman ang ilang miyembro ng oposisyon at Simbahan kasama si Bise-Presidente Leni Robredo ng sedisyon matapos silang ituro ni Peter Advincula bilang mga mastermind ng “Ang Totoong Narcolist videos” kung saan inakusahan ang Pangulo at kanyang pamilya na kasangkot sa bentahan ng ilegal na droga. Kung maisabatas ang Anti-Terrorism Bill, mabibigyan ng makapangyarihang armas ang pamahalaan laban sa mga kritiko nito. Mapagkakatiwalaan ba natin ang gobyerno upang bigyan sila ng mas mabigat na kamay sa pagsugpo ng mga kritiko nito?
Sa kasalukuyan, kung kailan humaharap ang ating bansa sa isang pandemya, ang kinakailangan ng estado ay isang mabilis at epektibong pagtugon mula sa gobyerno laban sa kumakalat na sakit. Sa halip, ang inuna ng pamahalaan ay isang panukalang maaaring magpalala sa kawalang-katarungan sa lipunan at magtutulak lamang sa sarili nitong mga interes.
Ang iminumungkahing panukala ay hindi nagbibigay ng karagdagang armas para labanan ang terorismo. Nagbibigay lamang ito ng kapangyarihan sa pamahalaan na bansagang terorista ang sinumang ninanais nitong bansagan. Ayon nga kay Basilan Representative Mujiv Hataman, “Mas pinapahalagahan sa panukala ang pagpapalawak sa saklaw ng kung sino ang pwedeng ituring na terorista kaysa pagtukoy at paghuli sa mga totoong terorista.”
Hindi katiyakan ng kaligtasan mula sa terorismo ang naidudulot ng panukalang ito kundi takot at pagbabanta sa mga kalaban ng administrasyon. Kung maisabatas ang panukalang ito, malalabanan ba ang terorismo o bibigyan lamang ang estado ng kapangyarihang magsagawa ng terorismo laban sa mga mamamayan nito?
Sources:
https://congress.gov.ph/legisdocs/first_18/CR00340.pdf
https://newsinfo.inquirer.net/1285964/anti-terror-bill-approved-with-no-changes-in-unconstitutional-provisions
https://www.rappler.com/nation/262757-house-3rd-reading-anti-terror-bill
https://www.onenews.ph/lawyers-other-groups-terrified-by-anti-terror-bill-here-s-why
https://newsinfo.inquirer.net/1234583/sotto-assures-anti-terror-bill-cant-be-used-to-harass-silence-govt-critics
https://news.abs-cbn.com/news/07/18/19/robredo-opposition-figures-face-sedition-raps-over-bikoy-videos
https://www.rappler.com/newsbreak/iq/162354-explainer-leila-de-lima-accusations-drug-trade
https://www.rappler.com/nation/223434-nbi-detains-maria-ressa-february-13-2019
0 comments: