COVID-19,
Pilipinas, tuloy ang laban kontra COVID-19
Inanusyo ng Department of Health (DOH) nitong Abril 8, 2020 ang 106 na bagong kaso ng COVID-19 dito sa bansa kaya’t pumalo na ang bilang nito sa 3,870.
Umakyat na rin ang bilang ng mga namatay dahil sa sakit sa 182 ngunit nadagdagan naman ang mga gumaling na ngayon ay 96 na katao na.
Ang unang kaso ng COVID-19 dito sa bansa ay naitala noong Enero ngunit nagsimula ang mabilis na pagdami ng kaso noong Marso. Nagpatupad ng Metro Manila Enhanced Community Quarantine (ECQ) noong Marso 15 at kalauna’y naging Luzon lockdown, na naunang ibinalitang nakatakdang matapos sa Abril 14, 2020. Gayunpaman binanggit ni Cabinet Secretary ng Department of Interior and Local Government (DILG) Karlo Nograles na inaprubahan ni President Duterte ang rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na ipagpatuloy ang lockdown hanggang Abril 30, 2020.
Marami ang sang-ayon sa naturang ekstensyon. Isa na rito ang pangalawang pangulo na si Vice President Leni Robredo na sinabi sa isang interview sa ANC na “Sang-ayon ako (ipagpatuloy ang lockdown) dahil ‘yong nakikita natin na mga projections, makabubuti para i-flatten ‘yong curve kung hahabaan pa ito, pero tingin ko kasi crucial, crucial para mag-cooperate ‘yong mga tao, crucial na naiintindihan nila kung bakit kailangan ‘tong gawin. Kasi kapag hindi nila naiintidihan kung bakit kailangan ‘tong gawin, ‘yong resistance nandiyan.”
Upang manatiling updated sa mga nangyayari, maaaring magbasa sa mga sites ng news agencies.
May binuo ring grupo ang mga mag-aaral ng UPIS. Maaaring maging updated sa pamamagitan ng pag-follow ng COVID-19 PH Bot sa twitter na pinamamahalaan nina Christian Sarabia, Bree Catibog, Danie Cabrera, Klyssa Betito, at Cresel Lawas mula sa UP Rural High School.
Batay kay Christian Sarabia, nakukuha ang impormasyon ng kanilang COVID-19 PH bot tulad ng bilang ng mga kumpirmadong kaso, PUI, PUM, bilang ng mga namatay at gumaling sa sakit mula sa DOH ncov tracker at pag-check ng iba pang online sources kaugnay ng COVID-19 updates. //ni Mariel Diesta
(COVID-19 PH bot twitter: https://twitter.com/PHCovid19)
(DOH NCOV tracker: https://ncovtracker.doh.gov.ph/)
0 comments: