dawson,

Literary: Lima

4/28/2018 09:06:00 PM Media Center 0 Comments





Sa panghuling beses, paalam
At kung gugustuhin mo mang malaman ang dahilan
Ipapaliwanag ko sa lima...

Limang segundo ng katahimikan
Mga luha sa mata ay tuluyang nagbabagsakan
Sinasadya bang magkasakitan

Limang araw ng tuloy-tuloy na di pagkakaintindihan
Puno ng patawad, mga pangakong nabasag
Oras na siguro para tigilan ang pagbabangayan

Apat...

Apat na libo't lagpas pang mga mensaheng binura
Simula sa ating pagkakakilala pa
Hanggang sa tuloy-tuloy na text na di na binabasa ng isa

Apat na taon sana na puno ng alaala
Binudburan ng mga tampuhan at away
Na dati nama'y di natin iniinda at pinagtatawanan pa

Tatlo...

Tatlong importanteng kanta na di ko na mapapakinggan
Hinihila ako pabalik sa nakaraan
At panigurado sa gabing tumugtog 'yon ay di na naman ako tatahan

Tatlong pambahay mo na naiwan sa aking damitan
Ganoon pa rin ang amoy nila
Tila ba di ka man lang umalis sa tuwing ito'y aking tatabihan

Dalawa...

Dalawang matang kaya kong araw-araw titigan
Kahit di ako malinaw pag ako'y iyong tinitingnan
Mga mata mong nawawala sa tuwing tayo'y nagtatawanan

Dalawang daan na di pa rin nababayaran
Ang utang na nagsimula ng lahat
Kasama mo, ito'y kailangan ko nang kalimutan

Isa

Isang pangalan
Isang pagtahan
Isang paalam
Isang pagbitaw

Ang huling pagbitaw
Ng ating mga kamay
Bibilang ako pababa
Lima, apat, tatlo, dalawa, isa
At sana'y pagmulat ng aking mga mata
Ay nakaalis ka na
Sa panghuling beses

You Might Also Like

0 comments: