dawson,

Literary: Gumising Ka x Tulog na, Mahal Ko

4/23/2018 08:43:00 PM Media Center 0 Comments




Gumising Ka

Ilang beses na kitang sinaktan
Iniwanan
Sinabihan na ayoko na

Ilang beses na kitang pinakawalan
Sinigawan
Na hindi ko na kayang punan ang iyong mga pagkukulang

Ilang beses mo ba dapat akong patawarin
Suyuin
Kahit ako naman ang may mali at hindi ikaw?

Ilang beses pa ba natin kailangang masira
Mag-away
Hindi ba’t nakakapagod ang gabi-gabing ganito?

Ilang beses pa ba tayong maghihiyawan
Magbabangayan
Hindi pa ba sapat ang araw-araw na pagtatampo?

Bakit ba hanggang ngayon ako pa rin?
Bakit magpapakamartir sa taong ayaw kang mahalin?
Hindi ako karapat-dapat sa pagmamahal mo
Kaya kung ako sa ’yo, mahalin mo na lang ang sarili mo.




Tulog Na, Mahal Ko


Kahit ilang beses mo pa akong saktan
Iwanan
Sabihan na ayaw mo na
Mananatili ako
sa iyong tabi

Kahit ilang beses mo pa akong pakawalan
Sigawan
Na hindi mo na kaya pang punan ang aking mga pagkukulang
Kakapit ako
nang mahigpit na mahigpit

Kahit ilang beses pa kitang patawarin
Suyuin
Sa mga pagkakamaling pareho nating idinulot sa isa’t isa
Hinding-hindi ako
magmamaliw umunawa

Kahit ilang beses pa tayong mawasak, madurog
Mag-away
At mapagod sa gabi-gabing sigalot
Makikidigma ako
at ika’y ipaglalaban

Kahit ilang beses pa tayong magsigawan
Magbangayan
dahil sa araw-araw nating tampuhan
Mamahalin kita
nang mabura ang mga mura at masasakit na salita

Hanggang ngayon, ikaw pa rin
dahil ang pag-ibig ay hindi hinahanap, ito’y kusang dumarating
Hanggang ngayon, nagpapakamartir pa rin
sapagkat ikaw ang pinili ng aking puso na makapiling

Sabihin man nilang kahibangan, na hindi dapat, na hindi ka karapat-dapat,
wala akong pakialam
Ako ang umiibig sa ’yo at hindi sila,
Ikaw ang gusto kong makasama sa hirap at ginhawa
Kaya kung ako sa ’yo, itulog na lang natin ‘to
at managinip na habambuhay, magkasama tayo

You Might Also Like

0 comments: