filipino,

Literary: Aking Mundo

11/29/2017 08:43:00 PM Media Center 0 Comments




Lupa
Hindi ko inakalang mangyayari ito sa akin. Ngayon ko lang ito naranasan at masasabi kong oo, first love nga kita. Kakaiba ka. Kapag naririnig ko ang boses mo, parang wala na ang bigat ng mundo sa balikat ko.

Nakakainis dahil naging kumportable na ako sa’yo. At dahil sa labis na pagkakumportable, naramdaman ko na sa iyo, ako ay nakauwi na. Ginusto kong ikaw ang laging makausap, ikaw ang puntahan sa tuwing may problema ako, at higit sa lahat, ikaw mapakasalan balang-araw. Nais kong manirahan na kasama ka, sa tahanang nag-uumapaw lang sa pagmamahal.

Langit
Ikaw ang gusto kong makasama sa mga simpleng gawain tulad ng pagpunta sa palengke, tapos magluluto tayo pag-uwi. Ikaw ang gusto kong makasama sa pag-abot ng mga pangarap ko, at sasamahan rin kita sa pag-abot ng mga pangarap mo. Ikaw ang gusto kong makasama sa paglibot ng buong mundo. At higit sa lahat, ikaw ang gusto kong makasama habambuhay.

Wala eh, ang sarap mong mahalin.

Saksak Puso, Tulo ang Dugo
Pero, mukhang maisusulat ko na lang din ‘yun sa listahan ng aking mga pangarap. Sabi nga nila, hindi mo palaging makukuha ‘yong gusto mo, o kung sino ang iyong gusto. Ngunit kahit na ganoon, lagi kitang uunahin. Lagi kitang uunahin dahil importante ka sa akin. At, lagi kitang pipiliin. Lagi kitang pipiliin dahil ikaw ang nagpapasaya sa akin.

Kaya’t salamat na lang. Salamat sa mga panahong nagkasama tayo. Salamat sa pagkakataong nakilala kita.

Palagi kitang ipagdarasal, mahal ko.

Mag-iingat ka palagi, aking mundo.

You Might Also Like

0 comments: