filipino,

Literary (Submission): Banat Pa More

8/27/2015 08:07:00 PM Media Center 0 Comments



Kung pwede lang kitang tawaging isang multo,
Hindi dahil sa patay na patay ka sa akin.
Kundi dahil sa pagpaparamdam mong wala sa oras;
Susulpot lang kapag natipuhan, magpapakita lang kapag natripan.
Ngunit kapag nagsawa’y maglalaho sa parang.

Kung pwede lang kitang ihalintulad sa bangin,
Hindi sa dahilang nahulog na kasi ako sa’yo.
Kundi dahil sa misteryong bumabalot sa’yong pagkatao,
Na malalaman ko lang kung hahayaan kong ako’y tuluyang magkagusto.
Hindi na, mas mahal ko naman ang sarili ko.

Kung pwede lang kitang pangalanang isang lindol,
Not because “you rock my world.”
Kundi dahil pakiramdam ko’y isa kang delubyo,
Na kung hindi ako mag-iingat, ako’y masasaktan sa dulo.
Marahil ang mas tamang sagot ay, “you ruin my world.”

Kung pwede ka lang maging isang bloke ng yelo
Hindi dahil sa crush kita ah!
Kundi dahil ramdam na ramdam ko ang panlalamig mo,
Na kung tatanungin ako kung gusto ko ba ng taong-nyebe,
Sagot ko ay “Ayoko! Hindi ako manhid katulad mo.”

Nais ko lang nama’y ikaw ang aking maging Martes,
Dahil ako ang Lunes at ikaw ang kinabukasan ko.
Nais ko lang nama’y ikaw ang maging corny kong biro,
Para masabi ko sa kanilang “Last ko na ‘to!”

Pero kung ika’y isang multo, bangin, lindol, o yelo,
Tigil-tigilan mo ako, ayaw ko sa tulad mo.

You Might Also Like

0 comments: